NAGPADALA ng email sa akin na may kasamang video si Antonio Anaban Jr., kung saan pinakita ang diumano’y dalawang Pilipina na na-rape sa Marina Mall sa Abu Dhabi. Maliban sa rape, tinorture pa diumano ang mga babae. Kalat na ang video sa Internet at pinasa-pasa na ng mga Pinoy sa abroad.
Dahil sa video, nag-imbestiga ang Philippine Embassy sa Abu Dhabi sa pangunguna ni Ambassador Grace Relucio Princesa. Ayon sa report ni Princesa sa DFA, hindi totoo ang report at wala naman daw na rape na mga Pinay sa Abu Dhabi. Ayon pa kay Princesa, dalawang “separate issues” daw ang report ng rape at ang laman ng video, kaya nanawagan ang DFA na huwag na munang ipakalat pa ang video hanggang malaman kung ano talaga ang nangyari.
Neutral ang pananaw ko rito. Pinupuri ko si Antonio at ang iba pang Pinoy na nagpakalat ng video, dahil sila ay concerned naman sa kanilang mga kababayan kung talagang nangyari ito. On the other hand, pinupuri ko rin si Princesa, dahil hindi siya nagpabaya sa kanyang tungkulin. Ganoon pa man, tila yata hindi pa tapos ang usapang ito, dahil sa sinabi ni Princesa na may mga issues pa nga, kahit pa man separate ito.
Magandang halimbawa ng cooperation ng private sector at ng government ang pangyayaring ito. Magpasalamat tayo na may mga Filipino sa abroad na marunong at aktibo sa paggamit ng Internet, kaya mabilis ang pagpakalat ng information. Kung hindi naman lumabas ang report sa Internet, hindi naman siguro maiisipan ng Embassy na magsagawa ng investigation.
Normal lamang na magpadala ng report ang Embassy natin, at normal din na maglabas ng statement ang DFA batay sa report ng Embassy. Kung susundin ang normal na procedure, dapat magkaroon ng formal closure ang issue na ito, sa pamamagitan ng isang final and terminal report.
Hanggang wala pa ang report na ito, nakabitin pa rin ang issue, at hindi sapat na sabihin lang ng DFA na tigilan na ang pagpakalat ng video.