DALAWAMPU’T LIMANG araw na lamang at election na. Todo-hataw na ang mga kandidato sa pangangampanya. Marami nang kandidato, partikular ang kandidato sa pagka-presidente ang hindi na marahil makatulog habang papalapit ang election. Walang tigil din ang paglabas ng mga survey at ikinokondisyon na ang isipan ng mamamayan. At ang matindi, habang papalapit ang election ay naglalabasan na ng kung anu-anong gimik ang bawat kandidato para lamang makuha ang simpatya ng mamamayan. Bukod sa gimik, nagbabatuhan na rin ng putik ang mga magkakalaban. Kanya-kanyang bato nang mababahong putik.
Ang kampo ni Sen. Manny Villar at Sen. Noynoy Aquino ang nagbabatuhan ng putik. Mas unang binato ng putik si Villar kung saan ay sinabing pekeng mahirap ito. Sinasabing ipinanganak at lumaki sa Tondo pero hindi naman daw totoong mahirap. Ginamit pa ang kapatid na si Danny na walang pampagamot kaya namatay. Mas matindi ang ikalawang bato ng putik kay Villar kung saan ay kumalat ang salitang “Villaroyo”. Ikinabit ang apelyido ni Villar kay President Arroyo. Si Villar daw kasi ang sinusuportahan ni Arroyo at hindi ang presidential bet ng administrasyon na si Gibo Teodoro.
Binato naman ng putik si Noynoy at mas mabaho sapagkat kinukuwestiyon ang estado ng kanyang pag-iisip. May lumabas na papeles na kinukumpirmang dumanas daw nang matinding depression si Noynoy. Kailangan daw dumaan sa psychiatric exam si Noynoy.
Ganito ang labanan sa Pilipinas kapag sumasapit ang election. Hindi makaiiwas sa matinding batuhan ng putik. Gagawin ang lahat nang paraan para may maibatong putik sa kalabang kandidato.
Walang kasingdumi ang election sa bansang ito na sa oras pa lamang ng kampanya ay kung anu-ano na ang mga naglalabasan para lamang maibagsak ang kalaban.
Sana naman ay mabago na ang ganitong kalakaran kung election. Dapat magkaroon ng pagbabago. Hindi na sana ang pagbabatuhan ng putik ang gawin, Mangampanya sana na walang sisirain.