EDITORYAL - Pagbayarin ang Sayyaf

MARAMI nang kasalanan sa mamamayan ang Abu Sayyaf. Kulang na kulang ang kanilang buhay sa dami ng kanilang pinatay, kinidnap at sinirang ari-arian. Dapat na silang pagbayarin sa mga kasalanan. At mangyayari lamang ang paniningil kung may isang pinunong mag-uutos na huwag nang lubayan ang mga salot na ito sa Basilan at Sulu. Sa dalawang nabanggit na probinsiya naglulungga ang mga salot na Sayyaf.

Noong Martes, sumalakay na naman ang Sayyaf at nagsagawa ng pambobomba sa Isabela City, Basilan kung saan 15 katao ang namatay. Ang unang pambobomba ay ginawa dakong 10 a.m. sa grandstand ng gymnasium sa Bgy. Sampurma. Ang ikalawang pambobomba ay ginawa malapit sa Sta. Isabel Cathedral. Grabeng nasira ang cathedral at maraming motorsiklong nakaparada sa paligid ang nadamay.

Sasabog na sana ang ikatlong bomba sa bahay ng isang judge kung hindi ito naagapang idetonate ng mga pulis.

Bago ang sunud-sunod na pambobomba, isang Hyundai van ang mabilis na lumusot sa checkpoint ng military. Hinabol ng marines at nagkaputukan. Biglang sumabog ang van at tatlong Abu Sayyaf na lulan nito ang namatay. Dalawang marines naman ang namatay makaraang makipagbarilan sa mga nakasakay sa van. Dumating umano ang Sayyaf na naka-police at military uniform at walang patumanggang pinagbabaril ang mga sibilyan. Nagtakbuhan at nagtago ang mga tao para hindi tamaan ng bala. Pero nang mahawi ang usok, maraming sibilyan ang nakatimbuwang at tadtad ng bala ang katawan.

Ang administrayong Arroyo ay marami nang nagawang pagbabanta sa Sayyaf. Dudurugin daw. Pupulbusin daw. Lumipas ang siyam na taon ni President Arroyo at nariyan pa rin ang mga salot at pumapatay sa mga walang kalaban-labang sibilyan. Sa June 30 ay bababa na si Mrs. Arroyo at nananatili pa rin naman ang Sayyaf. Walang nagawa para lipulin ang mga salot.

Maraming inaasahan sa susunod na presidente, at isa riyan ay ang paggamit ng “kamay na bakal” laban sa mga salot na Sayyaf. Ipakitang kakaiba sa pinalitang presidente.

Show comments