SA isang survery, lumalabas na 60 percent ng mamamayan ay hindi alam kung anu-ano ang party-list system. Kaya sa mga nakaraang election, boto na lang sila nang boto na hindi muna kinilatis ang naiboto nila para representative ng party-list. At sa nalalapit na May 10 elections ay maaaring ganito na naman ang mangyayari dahil marami nga ang walang muwang sa part-list system. Sa pagkakataong ito, dapat maging matalino at mapag-usisa ang botante kung tama ba ang iboboto para sa party-list. Hindi na dapat malinlang sa eleksiyong darating. Huwag hayaang mangibabaw ang pagsalaula ng ilang personalidad sa party-list system.
Ang party-list system ay kasamang nabalangkas sa 1987 Constitution. Binuo ito para mabigyan ng kinatawan ang mga mahihinang sector sa lipunan. Ang kinatawan ang magiging boses sa Kongreso. Kailangang ang kinatawan ay galing mismo sa mahinang sector. Dapat kabisado niya at damang-dama ang damdamin ng mga nasa sector na kanyang kinakatawan. Hindi magiging kuwalipikado ang kinatawan kung hindi siya galing sa sector. Hindi uubra ang pekeng kinatawan.
Kabilang sa mga may kinatawan sa Kongreso ay ang sector ng mga manggagawa, kababaihan, katutubo, kabataan at ang mga mahihirap na taga-lungsod. Binigyan ng pagkakataon ang mga sector na ito na marinig ang kanilang tinig at para na rin makagawa ng mga proyekto na makapagpapaunlad sa kanila. Sa mga nakaraang eleksiyon, ang sector ng mga manggagawa at sector para sa mga kababaihan ang matunog na matunog at may mga kinatawan sa Kongreso.
Subalit sa pagdaan ng panahon, dumami nang dumami ang sector na gustong magkaroon ng boses sa Kongreso. Kung anu-ano na lang ang mga nagsulputang sector na kung susuriing mabuti ay ginawa lamang ng mga pulitiko para makabalik sa puwesto. Walang nakikita sa kanila kundi ang pansariling interes at hindi ang para maging boses ng nirerepresent na sector. Masyado nang binababoy ng ilang pulitiko ang party-list system.
Dapat nang magkaroon ng masusing pagsisiyasat ang botante sa pagboto sa party-list. Suriing mabuti at baka ang maiboto ay huwad na kinatawan. Putulin ang katakawan sa kapangyarihan ng ilang pulitiko na pinaglalaruan ang party-list system. Huwag hayaang mababoy ang sistemang ito.