Maraming anomalya sa Comelec ni Melo
MABUTI’T nabisto ang maaksayang P700-milyong pagbili ng Comelec ng 1.815 milyon ballot secrecy folders. Sobrang mahal: P380 ang isa. Sobrang dami: 22 folders sa bawat 82,500 precinct clusters, miski 76,340 lang ang clusters. Animo’y kinawawa ang supplier nang napahiyang kanselahin ni Chairman Jose Melo ang proyekto. Pero sa totoo marami nang kinontrata ang supplier. Marami ring ibang anomalya sa Comelec ni Melo:
• Automated Fingerprinting Identification System — P1.6 bilyon bidding niluto para sa Unison-NEC-Lamco, miski mas mura nang P200 milyon ang bid ng kalaban. Ipi-fingerprint ang 50 milyong botante para sa halalang Mayo 2010. Pero ginawang tatlong taon ang proyekto, kaya dapat binabaan ang halaga sa P600 milyon. Pero hindi tumawad ang Comelec.
• Ultraviolet Lamps — P28 milyon, ibabalato sa naudlot na supplier ng secrecy folders. Dapat Smartmatic ang magbayad nito, hindi Comelec; hindi kasi mabasa ng PCOS machines ang U/V secret marks sa balota.
• Carbonless paper — P400 milyon para sa Election Returns, Statement of Votes, at Certificates of Canvass, kung manual ang election. Hindi na magagamit dahil automated election na.
• Watermarked paper — P800 milyon para sa manual ballots, hindi na rin magagamit.
• Ballot boxes — P243,367,740 walang bidding na binalato sa Smartmatic, Opaque plastic na parang basurahan ang ginawa imbis na transparent; P3,160 kada isa, samantalang P900 lang ang dating bakal.
• Ballot redesign — P500 milyon matitipid ng Smartmatic nang umikli nang 3 inches ang balota, pero hindi tumawad ang Comelec.
• Performance bond — Dating $25.3 milyon security deposit ng Smartmatic ginawang $4.3 milyon na lang.
• Transportation — P92 milyon para i-truck mula Quezon City hanggang Manila Port Area ang 12 milyon balota.
• PCOS machines — P7.2 bilyon, na malamang pumalpak.
- Latest
- Trending