Moro-morong imbestigasyon ng PMI!"
DISMAYADO ang pamilya ng 17-anyos na si Aileen, biktima ng sexual harassment ng isang propesor sa Philippine Maritime institute na lumapit sa BITAG, Enero ng taong ito.
Ito ay bunsod ng kawalang hustisya sa reklamo matapos ipaubaya ng Commission on Higher Education o CHED ang pag-iimbestiga sa reklamo ng biktimang estudyante.
Bukod pa dito ang pagwawalang-bahala ng pamunuan ng PMI simula ng ilapit ng magulang ng biktima sa kanila ang kaso, Nobyembre ng 2009 pa.
Sukdol-langit ang pagtanggi ng PMI na kung hindi pa raw umere sa BITAG Live ang sumbong ng estudyante laban sa kanilang propesor na si Capt. Jaime Macawile, hindi nila malalaman ang nasabing kaso.
Enero 12, taong kasalukuyan, matapos mangako ng PMI sa tanggapan ng CHED na magsasagawa ng imbestigasyon at aksiyon sa kasong ito.
Subalit tapos na ang klase, walang naging resulta ang kanilang ipinangako. Ayon sa magulang ng batang si Aileen, ilang araw matapos ang paghaharap sa CHED, ipinatawag sila ng pamunuan ng PMI.
Ipinakilala ang mga miyembro kuno ng kumite na magsasagawa ng imbestigasyon sa kaniyang reklamo, matagal raw ang magiging takbo ng imbestigasyon.
Muling pinagsumite ng written complaint si Aileen, at binigyan naman ng isang linggo ang inirereklamong propesor na magpasa ng kaniyang counter affidavit.
Subalit, dalawang linggo raw bago nakapagpasa si Macawile. At ang pinakamasakit sa salaysay na mula sa inirereklamo, walang katotohanan ang sumbong ni Aileen.
Sinuportahan ang salaysay ni Macawile ng propesor ni Aileen kung saan ini- excuse siya sa klase noon upang dalhin si Aileen sa isang fast food sa Carriedo. Dalawa raw silang umalis sa klase noong araw na iyon.
Maging ang kaniyang kaklase na noong una ay sumusuporta kay Aileen, bumaligtad na at nagsabing hindi totoo ang reklamo ng biktima.
Kung moro-moro’t kabalbalan lamang ang pag-iimbestiga ng PMI, puwes, kikilos ang BITAG. Sisiguruhin naming matuturuan ng leksiyon at tatamaan ang dapat managot sa kasong ito.
Inaasahan namin ang patas na pagkilos ng CHED dahil sa pambabalewalang ito.
Abangan ngayong Sabado!
- Latest
- Trending