UMAASA pala ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na maitutuloy ang naantalang peace talk sa susunod na administrasyon. Ayon sa tagapagsalita ng MILF na si Eid Kabalu, sino man daw ang mahalal na presidente sa darating na election, umaasa silang matutuloy ang napasimulan noong 1997. Sinabi pa ni Kabalu na mas maganda kung ang interim peace agreement ay malagdaan bago bumaba si President Arroyo bago mag-June 30, 2010.
Gusto nilang matuloy na ang pag-uusap sa kapayapaan at siguro’y nang madama na ang katahimikan sa ilang bahagi ng Mindanao. Subalit kung gaano naman kasigasig ang ilang pinuno ng MILF, marami rin namang kasamahan nila ang patuloy na gumagawa ng kasamaan sa kapwa. Hindi na ba kontrolado ng pamunuan ng MILF ang kanilang mga miyembro at pati ang mga kawawang sibilyan at dayuhan ay kanilang idinadamay. Marami nang pangyayari na ang MILF ang nagsasagawa ng panununog at mga pagpatay o kaya ay pag-ambush sa mga sundalo.
Noong Easter Sunday isang Pilipino-Swiso ang kinidnap ng mga pinaghihinalaang MILF at ang matindi pa, kasama nilang gumawa ang mga bandidong Abu Sayyaf. Ayon sa report, 10 miyembro ng MILF at Sayyaf na sakay ng speedboats ang lumusob sa bahay ni Charlie Reith sa Zamboanga at sapilitan itong kinuha. Ang kaibigan ni Reith na isang German national ay hindi kinidnap pero sinaktan. Tinangay ang relo at camera ng German. Ayon sa report, sa direksiyong patungo sa Basilan dinala si Reith. Wala pang balita kung magkano ang hinihinging ransom money.
Kapayapaan ang hangad ng MILF pero hindi yata tumutugma sa ginagawa ng kanilang mga kasama na walang tigil sa pangingidnap. At ang masama ay nakikipagkutsaba pa sa mga mamamatay-taong Sayyaf.
Kung talagang hangad ng MILF ng tunay na kapayapaan, bakit hindi nila kayang mapasunod ang kanilang miyembro para makita na totoo ang kanilang layunin. Itigil ang pangingidnap at panggugulo para naman maniwala ang marami na tunay ang kanilang minimithing kapayapaan para sa Mindanao.