Baliktad na hustisya
SA nakaraan kong column, tinalakay ko ang issue ng “abuse of prerogative” ni Mrs. Gloria Arroyo, kung saan sinabi ko na pag-aabuso sa kanyang poder ang paglaktaw niya sa seniority ng PMA graduates, upang mapaboran lamang ang mga heneral na malapit sa kanya.
Sa mga usapan tungkol sa mga promotion at appointment sa AFP, madaling sabihin na mali o tama si Mrs. Arroyo dahil siya mismo ang appointing authority. In other words, kung nasa loob ng Executive Branch, walang ibang masisisi kundi siya, dahil siya nga ang Chief Executive.
Sa ilalim ng Constitution, nakasaad na may separation of powers ang tatlong branches of government, at nakasaad na dapat independent ang bawat isa sa mga branches na ito. Nakasaad din sa Constitution na independent din ang mga high commissions, katulad ng Comelec.
Sa takbo ng pulitika sa ilalim ng poder ni Mrs. Arroyo, tila yata lumalabas na bumaliktad na ang hustisya, dahil ang mga walang kasalanan ay hinahanapan ng butas, kaya naman ang mga whistle blower ay lumalabas na akusado. Nasaksihan na rin natin ang pagtanggal sa puwesto ng mga kalaban ni Mrs. Arroyo katulad ng nangyari kay Among Ed Panlilio, at ngayon naman bumulaga ang balita na dismissed na ang rebellion charges laban sa mga Ampatuan.
Mahirap sabihin na si Mrs. Arroyo ang may kagagawan sa pagtanggal kay Among Ed, dahil independent naman dapat ang mga decision ng Comelec. Mahirap din sabihin na may kinalaman siya sa pagpawalang sala sa mga Ampatuan, dahil independent naman dapat ang husgado.
Dahil sa usapang ito, naalala ko ang natutunan ko sa Political Science noong ako ay nasa kolehiyo pa. Sabi ng aking propesor, iba raw ang “power” sa “influence”. Ayon sa kanya, kung may “power” ang isang opisyal ng gobyerno, maari siyang magkaroon ng “influence” sa ibang branches of government, kahit pa man independent ang mga branches na ito.
Kahit ano pa ang sabihin ng Comelec at ng mga husgado, hindi mawala sa isip ng mga tao na tumawid si Mrs. Arroyo sa boundary ng kanyang poder, upang mabawian ang kanyang mga kalaban at matulungan ang mga kakampi.
Sa ganitong paraan nga kaya niya ginamit ang kanyang “influence”?
- Latest
- Trending