Insulto kay Pacman
ININSULTO si Manny Pacquiao ng hindi gaanong kilalang Kanong komedyante na nagngangalang Adam Carolla. Si Pacquiao daw ay ignoramus at walang nalalaman. Siyempre, nag-react kaagad ang mga Pinoy dito sa America. Mabilis na kumalat ang balita at marami ang nagalit sa Kanong komedyante..
May mga Pinoy namang mga mahinahon na pumipigil sa kanilang mga kapwa na huwag magpadalus-dalos sapagkat sinasabi nilang natural naman daw na nagaganap ang insultuhan sa iba’t ibang lahi dito sa Amerika. Tutal naman daw, bale-wala naman daw ang sinabi ni Carolla na kakaunti rin naman ang nakakakilalang tao, kaya, palampasin na lamang daw ito. Subalit mainit na talaga ang isang grupong unang nakarinig ng insulto kay Pacquiao.
Dapat daw humingi ng apology si Carolla. May mga nagsabi pa nga na kailangang magsadya si Carolla ng personal sa Pilipinas at humingi sa mga Pilipino mismo ng kapatawaran. Mainit pa rin hanggang ngayon ang paghahabol kay Carolla .
Subalit, may mga Pinoy lider na pinapayuhan ang kanilang mga kababayan na maghinay-hinay lamang. Dapat lamang daw na intindihin na natin ang klase ng isipan at kalooban ng naiiba sa ating mga Pinoy. Dapat daw nating malaman na dito sa Amerika, parte na lamang ng pang-araw-araw na buhay ang insultuhan at ito ay dapat na daw nating matutuhan kaagad.
Talagang hindi pa rin nawawala sa ating mga Pinoy ang bagsik ng ating pagmamahal sa ating lahi. Kahit saan ay ipagtatanggol pa rin natin ang ating pagiging Pinoy. Sa isang parte, mabuti na rin at naramdaman rin ng ibang lahi kung papaano natin ipinagtatanggol ang sariling lahi sa nangyari kay Pacquiao.
- Latest
- Trending