ANO pa kayang sorpresa ang malalaman natin mula sa Comelec habang papalapit na ang halalan? Isa na ay yung naunsyaming kontrata ng mga plastic “secrecy” folders na nagkakahalaga ng P700 milyon. Kung bakit kailangan ganito pang klaseng folder na mahal para takpan lang ang mga balota at nang hindi makopya! Tapos ang kompanya na mag-susuplay sana ng mga folder ay makikisubasta rin para sa mga hand-held UV lamps na kakailanganin dahil lihis ang security mark na inimprenta sa mga balota at baka hindi mabasa ng makina. Kaya mano-mano na lang ang beripikasyon ng mga balota sa pamamagitan ng mga hand-held na UV lamps. Ano pa kaya ang susunod?
Maraming nagsasabi na malayo pa sa pagkahanda ang Comelec para sa kauna-unahang automated elections. Mga guro ay kulang sa training, wala pang maayos na sistema para sa pila at botohan, pati na mga proseso katulad ng UV light verification. Lahat ito lumalabas habang papalapit pa lang ang halalan. Paano na kaya ang mga problemang lalabas sa halalan mismo?
Sa mga nakikita kong mga poster ng mga pulitiko ngayon, may number na katabi iyong mga kandidato. Ibig sabihin, alam na nila kung anong numero sila sa balota. Ibig din sabihin, ganun karami ang mga kumakandidato. Sa dami nila, mapapagod ka nga namang basahin lahat! Ang payo ko ay alamin na kung sino ang gustong iboto bago pumunta sa botohan, para huwag nang mag-aksaya ng panahon sa pagbasa ng listahan ng mga kandidato. Kapag masyadong tumagal sa pagpili kung sino ang iboboto, baka maraming maantala sa pila at masaraduhan ng presinto. Maraming boboto itong halalan. Maraming sabik para gamitin ang kanilang karapatan pumili ng mga bagong mamumuno ng bansa. At kung hindi sila makakaboto dahil sa bagal ng pila, tiyak magkakaroon ng gulo. Siguradong hindi handa ang Comelec sa ganyang sitwasyon!
Inamin ni Comelec Chairman Jose Melo na masyado silang nagtiwala sa mga tao sa Bids and Awards ukol sa nasabing kontrata ng mga folder, at hindi na nila nahimay at nasiyasat nang mabuti. Nandun ang problema. Sa kahit anong organisasyon, mahalaga ang sinisiyasat lahat bago pumirma sa isang kontrata. Tuloy dahil isang ahensiya ng gobyerno ang pinag-uusapan, parang pinalalampas na lang lahat. Sigurado ako hindi nagaganap iyan sa pribadong sektor. May mananagot ba sa isyung ito? Hindi pa natin alam. May mananagot ba kung sakaling palpak ang eleksyon? Hind rin natin alam. Malapit na ang eleskyon. Dahilan na ito ng lahat!