MUKHANG napikon na si dating Manila mayor Lito Atienza sa mga patutsada ng kampo ni Mayor Alfredo Lim kaya parang torong nag-react at naghamon na idemanda siya upang lumabas ang katotohanan. Sino ba naman ang matutuwa mga suki, sa dinami-dami ng panahong lumipas eh hindi ito naungkat, bakit kung kailan mainit na sa kampanyahan biglang lumabas ang ganitong paninira. Siyempre lumalabas na paninirang propaganda lamang ito ni Lim kay Atienza,dahil kung talagang may basehan nga naman ang akusasyon ni Lim na maraming lupain ng local na pamahalaan ang ibinenta ni Atieza dapat lamang na idemanda niya ito sa Ombudsman katulad ng ginawang hakbang ni Atty. Rey Bagatsing sa paluging pagbebenta ng Century Park Hotel kuno.
Kaya nag-alburoto si Lim at ang napagbalingan niya ay si Atienza. Mahirap talaga kapag ang dating magka-tandem in crime ang magbanggaan sa politika, tiyak na lahat ng baho’y aalingasaw. At habang nagpapalitan sila ng kanilang mga panis na laway, ang Manileños naman ay masusing nakikinig at nagmamatyag.
Saan kaya hahantong ang paghahamunan ng kampo nina Lim at Atienza? Ano kaya ang mapapakinabang ng mga naghihikahos na Manileños kung palarin silang maupo sa puwesto? Iyan ang ating tututukan mga suki. At habang naghahalukay sila ng mga baho, naungusan silang bigla ni Kuya Sonny Razon. Ayon sa mga nakausap ko, hindi plastik ang pagbahay-bahay ni Kuya Sonny at pag-organisa ng malawakang pagtitipon upang ilatag ang plataporma de gobyerno. Mas ginusto umano ni Kuya Sonny na idaan sa bahay-bahay at diyalogo ang paghain ng kandidatura kaysa sa kalye ganapin. Wala naman kasing pampabayad si Razon sa mga sikat na artista at kilalang personalidad para makahatak ng botante. Kung sabagay mga suki, subok ko na si Kuya Sonny pagdating sa kaayusan at kalinisan noong manungkulan itong hepe ng Western Police District. Maraming kapulisan ang kanyang napatino. Si Kuya Sonny lamang ang nakapakumpuni ng namamahong WPD headquarters noon kaya naging halimbawa siya ng mga pumalit sa kanya. Naibaba niya ang krimen sa Metro Manila noong manungkulan siyang hepe ng National Capital Region Police Office. At nang maging hepe siya ng Philippine National Police ay maraming kotong cops ang kanyang sinibak. Ang ilang nadamay lamang sa pangungutong ay ipinatapon sa malalayong lalawigan. Wala rin akong nabalitaang nadamay si Kuya Sonny sa korapsiyon matapos mailuklok ni PGMA sa Gabinete.
Sa mga botante ng Maynila, ngayon pa lang, timbangin na ninyo ang nararapat na maging mayor upang makaahon sa kahirapan. Pagbabago at hindi pagbabangayan ang nararapat sa Maynila.