GRABE ang nangyayaring pulitika sa Pililpinas. Ang isa sa nangungunang kandidato sa pagka-presidente ay namimilit na nanggaling siya sa pagka-mahirap. Hindi na niya hinintuan na ulit-ulitin na siya ay galing sa pagiging mahirap. Hangggang ngayon ay hindi pa rin nawawala ang puso niya sa mga mahihirap sapagkat marami pa ring mahihirap ang may koneksiyon sa kanya.
Samantala, ang pangunahing karibal naman nito sa kampanya ay sinasabi naman na siya ay nanggaling sa mayayamang angkan at hindi naman itinago na mahirap din ang kanyang pinanggalingan. Ang nababanggit nga lamang nito ay marami rin siyang kamag-anak at mga kasamahan na mahihirap din ang kalagayan sa buhay. Hanggang ngayon ay marami pa rin siyang mga natutulungang mahihirap at sila naman ay nakikipagtulungan din sa kanya.
Hindi ko maintindihan kung bakit sa mahihirap sumesentro ang kampanyahan at hindi sa mga mahahalagang isyu at mga problema ng bansa gaya ng graft and corruption, terorismo, patayan at napakaraming namamatay sa gutom, walang trabaho at napakarami pang iba. Baka nais ni pulitiko 1 na dalhin ang usapan kung saan siya nakalalamang at ito ay naging matagumpay siya sa negosyo at pulitika mula sa pagka-mahirap.
Nais nitong ilagay ang kanyang karibal na mayaman sa alanganin sapagkat mayaman at haciendero kung kaya hindi ito dapat na iboto ng mga mahihirap. Ang nangyayari ngayon ay marami na rin ang naiinis at naririndi na sa paulit-ulit na klase ng pangangampanya ni pulitiko 1 kaya lumilipat na ang maraming dating kasamahan ng unang pulitiko lalo na’t ang una ay kinakasuhan ng graft and corruption ng kanyang mga kasamahan mismo.
Hindi dapat na maging isyu kung mahirap man o mayaman man ang taong gustong magsilbi sa taumbayan. Ang nangyayari ngayon sa pangangampanya ng dalawang nasabing pulitiko ay lalong nagpapakita lamang na nagpapataasan lamang sila. Wala namang kakuwenta-kuwentang isyu at nagsasayang lamang ng oras. Matauhan sana ang pulitiko 1 sa kanyang gimik.