KUMPIYANSA ang Pilipino sa teknolohiya. Apat sa bawat lima (81%) na sinarbey ng Social Weather Stations ay umaasang mas eksakto at mabilis ang darating na automated election kaysa dating manual balloting.
Sana masagot ng Comelec ang gan’ung pananaw. Kundi, sisiklab ang people power revolt, anang kalahati (48%) ng sinarbey.
Ngunit kinakanlong pa ng bulok na ahensiya ang mga taga-dagdag-bawas nu’ng eleksiyong 2004 at 2007. Naroon pa ang mga nagbebenta ng tiwaling pag-accredit at pagpapanalo sa party lists. Na-promote pa ang mga nagpakana ng MegaPacific automation scam nu’ng 2003.
Madadaya lang ang automated election kung inside job. Maari ito mangyari miski sa America kung saan 95% ng botohan ay computerized. Gumulat nga sa US kamakailan ang ulat na ito (isina-Filipino):
“Opisyales ng Clay County, Kentucky, Napatunayang Nandaya ng Eleksiyon at Namili ng Boto
“Matataas na Opisyales Sentensiyado, Kabilang ang Isang Huwes, Country Clerk, Pinuno ng Paaralan
“Bawat Isa Humaharap sa 20 Taon na Kulong Dahil sa Kutsabahan na Manipulahin ang Electronic Voting Machines...
“Lahat ng walong sakdal sa dayaan sa halalan sa Clay County, Kentucky, ay hinatulan ng federal jury na maysala. Anim sa walo ay matataas na opisyales panghalalan, kabilang ang circuit judge, county clerk at school superintendent. Sinakdal sila ng kutsabahang pagmanipula ng voting machines sa pambansang halalan nu’ng 2002, 2004 at 2006, at pamimili at pagbebenta ng boto.
“Ayon sa Associated Press maari makulong bawat isa nang 20 taon sa panloloko sa resulta sa tradisyonal na teritoryo ng Republican Party.
“Napatunayan sa kaso na kayang manipulahin ang electronic voting machines. Dati nang sinasabi ng mga gumagawa ng makina na bagamat maari nga dayain ang resulta, wala pang nakagagawa nito.”