Anti-drug sa Makati sinira ng pulitika!

ANO ang programa ng mga kandidato from the local to national level para masugpo ang problema sa bawal na gamot? Noong araw, may magandang programa ang Makati City laban sa droga. Kapuskapalaran, wala na ito ngayon anang kakilala kong taga-Makati.

 Halos kamakailan lang, tinutukan ng Makati Anti-Drug Abuse Council (MADAC) ang mga big-time drug lord sa tulong ng barangay leaders. Maagap nilang natutukoy at napapaaresto ang mga pushers. Hawig ito sa konsepto sa US at UK. Sa bawat barangay ay may mga grupong nagmomonitor laban sa salot na droga. Nagka­sundo ang MADAC at mga business establishments kasama rin ang religious groups upang palakasin ang anti-drug operations.

Nagtulungan din ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police kung kaya kinilala ang Makati bilang Best Anti-Drug Abuse Council sa Metro Manila noong 2004 at Best Anti-Drug Abuse Council noong 2005 sa Second Asian Cities Against Drugs Conference.

Pero sinibak ni Makati Mayor Jejomar Binay ang mahigit sa 2,000 casual employees ng MADAC, Makati Action Center, Community Project Assistance Group at Sangguniang Kabataan Federation. Ang dahilan, ang mga ito’y kilalang supporters ni Vice Mayor Ernesto Mercado na ngayo’y tumatakbo sa pagka-alkalde ng lungsod. Dahil sa pangyayari, nawalan ng ngipin ang kampanya laban sa droga. Nasibak kasi ang mga MADAC personnel. Kasama sa nagawa ng mga tauhang ito ng MADAC ay ang pagkakaaresto sa tatlo katao kabilang ang isang negosyante, estudyante at physical therapist, sa pag­bebenta ng 10,000 diazepam tablets at marijuana sa may Wal­ter­mart branch sa Chino Roces Street, Barangay Pio del Pilar. Kaya ngayon ay lantaran na naman daw ang bentahan ng droga sa Brgy. Pio del Pilar.

Sayang na programa na nasira dahil lang sa pulitika!

Show comments