^

PSN Opinyon

Mahal na araw, noong araw

K KA LANG? - Korina Sanchez -

ALAM na alam kung Semana Santa na. Una, naba­bawasan na ang trapik. Wala nang pasok sa mga pa­aralan. Pangalawa, nagsisimula nang mag-alisan ang mga tao. Kung hindi uuwi sa kani-kanilang mga probin­siya, papunta sa mga bakasyunan katulad ng Baguio, Tagaytay o sa mga beach. Ibang-iba ang pagdiwang ng Semana Santa ngayon kumpara sa mga panahon ng aking kabataan. Ngayon, ang mahal na araw ay panahon para magsaya at magbakasyon. Katunayan nga, may mga negosyong bukas kahit Huwebes at Biyernes Santo! Ibang-iba talaga.

Noon, kapag sumampa na ang Linggo ng Palaspas, kailangan medyo seryoso ka na at hindi na masyadong nagsasaya. Ang mga istasyon ng radyo ay nagbabawas na ng mga masasayang tugtugin. At dahil wala pang cable noon, iilan lang ang mga istasyon ng TV na pagpi­pilian para manood. Pagdating ng Huwebes Santo, tila nagbabago ang buong bansa. Tumatahimik na nang husto ang kapaligiran. Mga sasakyan sa kalye ay nabibilang na lang. Ang mga istasyon ng radyo, iilan na lang, puro balita pa. Wala na muna yung mga drama kapag hapon. Ang mapapanood lang sa TV ay si Father Peyton at ang kanyang Rosary Crusade. Black and white pa lang ang palabas ni Father Peyton, na iisa-isahin ang lahat ng misteryo ng rosaryo, sa TV! Sarado ang mga sinehan. Kung may ibang palabas pa sa TV, malamang “The Robe”, “Ten Commanmdments” o kaya yung doku­mentaryo ng tatlong babae sa Garabandal.

Pagdating ng Biyernes Santo, ayan, halos patay na ang buong bansa. Wala nang radyo, wala na ring TV. Kahit si Father Peyton wala na rin. Sarado lahat ng tindahan kainan, grocery, lahat! Dito nga galing ang kasabihang “para ka namang Biyernes Santo” kapag napapansing malungkot ka. Hindi rin puwede maglaro mga bata dahil bawal. “Patay ang Diyos!”, ang laging paalala ng mga magulang namin. At napakaraming pamahiin noong araw ukol sa Biyernes Santo. Bawal maligo hanggang alas tres ng hapon. Hindi puwedeng masugatan ng Biyernes Santo dahil hindi na raw ito gagaling, at ang pinakamahalaga, bawal na bawal kumain ng karne. Kung nakakalusot ka sa mga ibang Biyernes ng Kuwaresma, hindi na talaga puwede sa Biyernes Santo. Halos ganun na rin ang Sabado Santo, pero medyo bumabalik unti-unti ang buhay sa lansangan. May mga sasakyan na uli, pero bilang pa rin. May mga bukas na ring negosyo. Wala pa ring palabas sa TV. Pero pagdating ng Linggo ng Pagkabuhay, normal na lahat. Kaya noong araw, mas nagugunita mo ang tunay na damdamin ng Kuwaresma, dahil wala namang libangan katulad ng meron ngayon. Hindi rin tanggap ang magsaya noon tuwing Mahal na Araw. Mas naiisip mo ang sakripisyong ginawa ng Diyos, para maligtas tayo mula sa kasalanan. Sana, kahit ibang-iba na ang mga Mahal na Araw ngayon, huwag nating kalimutan kung ano ang tunay na damdamin ng Kuwaresma, at ng Linggo ng Pagkabuhay. Kaya nga tayo nakapagsasaya, ay dahil ligtas na tayo mula sa panghabambuhay na kasalanan at parusa.

vuukle comment

ARAW

BIYERNES

BIYERNES SANTO

FATHER PEYTON

KUWARESMA

LINGGO

SANTO

SEMANA SANTA

WALA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with