SI Presidente Erap at re-electionist senator Jinggoy Ejercito Estrada ay todo ang pasasalamat sa suporta ng mga lokal na opisyal at residente ng Nueva Ecija sa kanila at sa buong tiket ng Pwersa ng Masang Pilipino (PMP).
Libu-libong katao ang masayang sumalubong sa pagbisita ng PMP sa lalawigan, partikular sa mga lokalidad ng Cabanatuan, Cuyapo, San Jose, Nampicuan at General Natividad.
Ayon kina Mayor Librado Santos ng bayan ng General Natividad at Vice Mayor Kokoy Salvador ng lungsod naman ng San Jose, “number one” sina Erap at Jinggoy sa mga “Novo Ecijano”.
Si Erap ay number one sa lalawigang ito noong halalang pampanguluhan ng 1998, gayundin si Jinggoy at ako sa aming pagkandidato sa pagkasenador at pati rin si yumaong Fernando Poe Jr. (FPJ) noong 2004 presidential election.
Napakamakabuluhan ng naturang ginawang pagbisita ng PMP kung saan ay personal nilang inalam ang mga pangangailangan ng lalawigan na kailangang-kailangan nang matugunan.
Ang Nueva Ecija ay tinaguriang “rice granary of the Philippines” dahil sa pagbibigay nito nang pinakamalaking ani ng bigas sa bansa. Noong termino ni Erap ay isinulong niya ang ibayong pagpapaunlad ng mga palayan at ng buong sektor ng agrikultura sa lalawigang ito pero noong inagaw sa kanya ang poder ay pinabayaan na ito ng sumunod na administrasyon.
Ayon kay Erap, sa kanyang pagbabalik sa Malacañang ay muli niyang ipatutupad ang “comprehensive development plan” para sa Nueva Ecija na magtataguyod naman sa Pilipinas bilang “number one exporter of rice” taliwas sa naging pagbagsak ng agrikultura ng bansa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon kung saan ay naging “number one importer” tayo ng bigas dahil naging napakahina ng ani.
Binigyang-diin nina Erap at Jinggoy na tinatanaw nilang napakalaking utang na loob ang patuloy na pagsuporta ng mga taga-Nueva Ecija kaya prayoridad nila ang pagbibigay ng sapat na tulong at tunay na serbisyo sa naturang lalawigan.