HAYAN na naman si presidential spokesman Ricardo Saludo, dinedepensahan ang hindi madedepensahan hanggang sa punto ng kakatuwa. Walang masama aniya sa napipintong pagkakaroon ng limang Arroyo sa Kamara de Representante: Gloria bilang Pampanga congresswoman, anak na Dato bilang Camarines Sur congressman, bayaw na Iggy bilang Negros Occidental congressman, at isa pang anak na Mikey at hipag na Marilou bilang party-list representatives. Ginagawa rin daw naman ’yun ng ibang angkang politiko, sabi ni Saludo, kaya puwede rin ang mga Arroyo.
Sadyang nakapagpapalimot sa batas ang pagtatrabaho sa Palasyo ng Malacañang. Kaya kailangan paalalahanan si Saludo: Ipinagbabawal ng Konstitusyon ang political dynasties (Article II, Section 26). Hindi komo walang enabling law (dahil ayaw magpasa ang mga sakim na politiko) ay ibig sabihin maari nang abusuhin ang puwang sa sistemang politika. Masama pa rin sa mata ng publiko ang abusong sabay-sabay o magkakasunod na paghahari ng magkakamag-anak.
At napag-uusapan na rin ang “abuso,” dumako tayo sa kakambal na punto: Si Gloria Arroyo ang nagpinansiya ng matulin na pag-angat ng Ampatuan political dynasty. Mula nang naupo si Arroyo nu’ng 2001 napasakamay ng angkan ang 22 halal na puwesto sa Maguindanao province at Autonomous Muslim Region, bukod pa sa maraming hirang na posisyon. Nagkamal sila ng bilyon-pisong hindi maipaliwanag na mga mansiyon, kotse at armas. Ang pagbabawal ng Konstitusyon sa political dynasties ay upang maiwasan ang pag-abuso ng kapangyarihan. Pero kinunsinti ni Arroyo ang mga Ampatuan hanggang malango sila sa poder. Sa huli, sila ang umano’y nagmasaker sa 57 babaing katunggali sa pulitika, abogado, at mamamahayag.
* * *
Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com