Maliliit na hakbang
ISANG oras na kadiliman, isang oras para sa kinabukasan. Ito ang Earth Hour kung saan hinihikayat ang lahat na patayin o magbawas ng ilaw at ano pang kagamitan na nangangailangan ng kuryente ng isang oras. At natuwa naman ako sa nakita ko. Mga establisimento na nagbawas ng mga ilaw, mga restaurant na nagkandila at billboards na pinatay na muna. Mistulang nag-brownout sa mga ibang bahagi ng EDSA dahil sa mga nakisali sa Earth Hour. Pero meron pa ring hindi sumali, katulad nang napakalaking billboard sa EDSA ng isang tumatakbong senador. Siguro naisip niya, malamang iba ang nag-isip, na mas mapapansin ang kanyang billboard kung lahat ng katabi niya ay walang ilaw. Napansin ko na hindi siya marunong makisama. Ano nga ba ang alam niya?
Pero nakakatuwa pa rin na marami ang nakilahok sa Earth Hour. Naisip ko nga, bakit isang oras lang? At bakit hindi pa dalasan? Kaya naman pala eh! Isipin na lang ang matitipid sa kuryente, ang tulong nito sa mga power plant natin at higit sa lahat, sa kalikasan. Kailangan na rin natin isipin ang ating magagawa para tulungan maging maganda muli ang kalikasan, na hirap na hirap na sa mga lason na isinusuka natin sa mga tubigan, lupain at hangin. Madalas akong makatanggap sa email mula sa mga kaibigan ko ng mga lumang litrato ng Dewey Blvd.(Roxas Blvd. na ngayon), Quiapo, Intramuros, Luneta, Rizal Park, Escolta, Avenida at iba pa noong mga dekada singkwenta, sisenta at sitenta. Napakaganda ng mga lugar noon! Ayon din sa mga matatanda, malinis ang Ilog Pasig noon. Ngayon, baka hindi ka makatagal ng isang minuto sa baybay ng Ilog Pasig dahil sa nakasusulasok na amoy.
Isang maliit na hakbang ang Earth Day. Pero ang maliliit na hakbang na iyan kapag pinagsama-sama, malayo ng mararating. Huwag nating isipin na pinatay lang natin ang ating mga ilaw ng isang oras. Isipin natin na binigyan pa natin ng isang oras ang mundo na makahilom mula sa mga sugat na tayo rin ang may gawa. At kahit hindi naman Earth Day, mag menos-menos pa rin tayo sa paggamit ng kuryente at tubig.
Maliliit na hakbang, malalaking tulong.
- Latest
- Trending