SINONG may sabing spent force na ang Ampatuan clan na inakusahang nasa likod ng karumal-dumal na November 23 massacre?
Ang mga pangyayari nitong mga huling araw ay mukhang taliwas sa inaasahan na babagsak at maging laos na ang mga Ampatuan pagkatapos ng ilan sa kanilang mga kaanak ay nasa piitan na dahil nga sa mga kasong kinaharap kaugnay sa Maguindanao massacre.
Hindi pa lugmok at bagsak ang mga Ampatuan. Lumalabas na sila pa rin ang sinasamba ng mga taga Maguindanao.
Ang Ampatuan patriarch na si former Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr. ay naka-confine at restricted sa loob ng Armed Forces Eastern Mindanao Command (Eastmincom) military hospital sa Camp Panacan dito sa Davao Ciy. At habang ang kanyang mga anak na si dating Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) Gov.Zaldy, dating former Maguindanao acting Gov. Sajid, at Shariff Aguak Mayor Anwar ay nakulong sa mga selda ng Criminal Investigation and Detection Group sa loob ng Camp Fermin Lira sa General Santos City.
Tanging ang kanyang anak na si Datu Unsay Mayor Andal Jr. ang nakapiit sa National Bureau of Investigation headquarters dahil siya ang principal suspect sa pagkamatay ng 57 katao, kasali na ang may 30 na mamamahayag.
Ang pagdalaw noong nakaraang Lunes ng higit 23 Maguindanao mayors kay Andal Sr. sa Eastmincom hospital ay nagpapakita lamang na naghahari pa rin ang mga Ampatuan sa Maguindanao kahit na inalisan sila ng kapangyarihan bilang mga government officials sa ARMM.
Lulan sa kani-kanilang SUVs ang mga mayors ay nakipagpulong at hiningi ang basbas ni Andal Sr. para sa kanilang pagtakbo ngayong May 10 na halalan.
Pinag-usapan daw nila ni Ampatuan at ng mga mayor ang darating na elections at sinu-sino ang susuportahan nila.
May balita pa nga na namigay daw ng P2 million si Andal Sr. sa bawat alkalde bilang suporta niya sa kanilang kandidatura.
Aminin man o hindi ni Buluan Vice Mayor Esmael ‘Toto’ Mangudadatu, talagang mahirapan siya sa kanyang gubernatorial bid sa Maguindanao kung ganun na kontrolado pa rin ng mga Ampatuan ang mas nakakaraming alkade sa Maguindanao.
Lumilitaw ngayon na nanatiling loyal ang mga alkalde sa nakatatandang Ampatuan at malaking problema nga ‘yon para kay Mangudadatu sa darating na halalan.
Alam ng lahat kung paano mag-deliver ng votes ang Maguindanao. Nagka-zero pa nga si Fernando Poe Jr. sa area laban kay President Arroyo noong 2004.
Talagang kaabang-abang ang May 10 polls, maging ang halalan sa Maguindanao.