^

PSN Opinyon

Wala na sa lugar ang gustong mangyari

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison -

KASO ito ni Lina at ng sampu niyang kasamahan. Noong 2004, dahil sa naghihingalong negosyo ng kompanya, binigyan ng GMC ng pagkakataon ang lahat nitong empleyado kung gusto nilang kusang umalis na lamang sa GMC. Marami sa mga empleyado, kasama na ang grupo ni Lina ang nagdesisyon na kusang magbitiw sa trabaho. Kaya’t noong Disyembre 29, 2004, binayaran sila ng GMC ng kanilang separation pay pati na ng 13th month pay mula taong 2002 hanggang 2003 natanggap na nila. Matapos nilang tanggapin ang pera, pinirmahan ng grupo ang kaukulang papeles bilang patunay na sinusuko na nila ang anumang karapatan sa kompanya (waiver & quitclaim) noong Enero 3, 2005.

Nang sumunod na araw, nagpunta ang grupo ni Lina sa NLRC at nagsampa ng kasong “illegal dismissal” laban sa GMC. Hinihingi nila ang kabayaran sa lahat ng benepisyong dapat ibigay sa kanila. Inamin nila na hindi sila pinilit pumirma ng “quitclaim” pero dinaya raw sila dahil hindi sila binayaran ng lahat ng benepisyong dapat mapunta sa kanila. Hindi rin daw nagsarado ang kompanya kundi nagpalit lang ng ibang pangalan.

Noong Nobyembre 22, 2005, nagdesisyon ang Labor Arbiter laban sa grupo. Wala daw nangyaring illegal dismissal dahil kusang-loob nilang pinirmahan ang quitclaim. Kaya lang, dapat na bayaran pa rin ng GMC ang emergency cost of living allowance (COLA), 13th month pay at service incentive leave pay (SILP) ng mga miyembro ng grupo.

Nang umapela, isinantabi ng NLRC ang naging desis- yon ng labor arbiter. Inalis ang pinababayarang benepisyo sa GMC. Hindi naman daw naipakita ng grupo ni Lina na pinilit lang silang pumirma sa quitclaim nang hindi ito naiintindihan. Kung hahayaan silang tumanggap ng dagdag na benepisyo, para na rin nabalewala ang legalidad ng pinirmahan nilang quitclaim. Tama ba ang NLRC?

TAMA. Legal at nasa tama ang pinirmahang quitclaim at waiver (mga papeles na nagpapatunay sa pagsuko ng karapatan ng empleyado) kung mapapatunayan ng kanilang amo na 1) kusang-loob na pinirmahan ng empleyado ang dokumento, 2) walang pandaraya o panlolokong naganap sa mga sangkot, 3) kapani-paniwala at nasa ayos naman ang naging kabayaran na kapalit ng pagpirma nila at 4) hindi ito labag sa batas, kaayusan, alituntunin, nakagawian natin at hindi rin kinawawa ang ibang taong may karapatan na kinikilala ng batas.

Sa kaso ng grupo ni Lina, kusa silang pumirma sa quitclaim at hindi sila pinilit ng GMC na magbitiw sa trabaho. Ang nakasulat sa quitclaim ay simple, malinaw at maiintindihan ng lahat. Wala silang ebidensiyang naipakita na hindi nila alam ang implikasyon ng pinirmahan nilang kasulatan at kung ano ang inaasahan nila sa kompanya. Nang pumirma sila sa quitclaim, inakala talaga nilang tama naman ang katumbas na halaga na kapalit ng pagpirma nila sa quitclaim kumpara sa kung magmatigas silang huwag umalis sa kompanya. Hindi rin naman lumalabas na kulang ang natanggap ng grupo ni Lina dahil kasama pa ngang natanggap ang 13th month pay para sa taong 2002 at 2003 na bayad na.

Hindi rin napatunayan ng grupo ang paratang nila na hindi naman talaga nagsarado ang kompanya at nagpalit lang ng ibang pangalan. Binase lang nila ito sa espekulasyon at haka-haka. Hindi ito magagamit na ebidensiya upang mabalewala ang pinirmahan nilang quitclaim (Goodrich Manufacturing Corp. etc. vs. Ativo et. Al., G.R. 188002, February 1, 2010).

GMC

GOODRICH MANUFACTURING

GRUPO

KAYA

LABOR ARBITER

NANG

NILA

QUITCLAIM

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with