HUMAKOT ng libreng publisidad si Sen. Rodolfo Biazon nang hilahin niya ang Philippine Military Academy Alumni Association (PMAAA) sa usapin patungkol sa junta kapag hindi magiging matagumpay ang May elections. Nanawagan kasi si Biazon sa mga PMAyers, aktibo man o retirado, na magkapit-kamay para magkaroon ng peaceful at orderly May elections. ‘Ika nga parang call to arms ang panawagan niya. Lumilitaw kasi na parang si Biazon lang ang me monopoly ng pagmamahal nating mga Pinoy sa bansa natin. Dapat ialis na ni Biazon ang PMAAA sa pulitika. Si Biazon kasi ay tumatakbong kongresista sa Muntinlupa City sa partido ng Liberal party. Mukhang hindi umaangat ang tsansa niyang manalo kaya’t kung anu-anong isyu na ang pinatulan niya para magkaroon siya ng libreng publisidad nga. Sa tingin ni Biazon, umani siya ng pogi points sa ginawa niyang pagtulak sa PMAAA sa pulitika. Nagkamali siya dahil dumami ang nainis sa kanya na panay ngakngak lang subalit malayo naman sa katotohanan ang usaping ginagamit. Paano kasi, panay junta na lang ang lumalabas sa bunganga niya samantalang itong AFP at PNP naman ay panay paghahanda ang ginagawa para sa darating na May elections. Itong mga scenario kaya na nasa isip ni Biazon ay kathang isip lamang niya? Kayo na ang maghusga sa kanya mga suki ko diyan sa Muntinlupa City.
Sa totoo lang, hindi pogi points ang nakuha ni Biazon sa mga binitiwan niyang mga pahayag gamit ang PMAAA. Sa katunayan, mga suki, itinatwa ng mga opisyales ng PMAAA ang mga patutsada niya. Gawa-gawa lang daw ni Biazon ang kanyang mga pahayag at hindi itong sinang-ayunan ng mga miyembro ng board, anang mga kausap ko. Kung me katibayan naman itong si Biazon, ang dapat niyang gawinay ilabas niya ito para patotohanan ang mga pahayag niya, di ba mga suki? Kung wala naman, aba dapat tumahimik na lang siya. Guni-guni lang kaya ni Biazon itong mga pahayag niyang junta? He,he,he! Lumala-bas tuloy na ulyanin na si Biazon at hindi na dapat iluklok pa sa Kongreso.
Dahil nga sa scenario ni Biazon na junta, aba parang nag-aaway na itong AFP at PNP natin. Nagatungan kasi ang mga pahayag ng junta at lumalabas sa mga diyaryo, TV at radyo na iba’t iba ang opinion ng mga hepe ng dalawang institution nga ng bansa. Pati nga itong si PNP chief Dir. Gen. Jesus Verzosa ay inaalog sa pamamagitan ng pagsabong sa kanya ke Pres. Arroyo. Me balita na ini-snub ni GMA ang PNPA graduation at hindi rin binati ng una ang huli sa nakaraang Army anniversary celebration. Talagang panahon ngayon ng election kaya’t kahit sino ay puwedeng mag-imbento ng scenario para maging bida. Kasama na diyan si Biazon, di ba mga suki?
Kapag nagbanggaan kasi itong sina Bangit at Verzosa, sino naman kaya ang makikinabang? Eh di ang mga pulitiko, di ba mga suki? Kaya’t ang panawagan naman natin sa sambayanan, ‘wag basta-bastang maniwala sa mga ulyaning pulitiko natin dahil hindi naman ang kapakanan ng bansa ang nasa isip nila kundi ang pansarili nilang agenda. Abangan!