MUNTI man ang aking tinig, hindi ako maglulubay sa aking pantawag-pansin sa problema ng daan-daang pamilyang Dumagat mula sa San. Jose del Monte, Norzagaray, Bulacan — na nagrereklamong biktima sila ng landgrabbing ni presidential candidate Manny Villar at ng asawa nitong si Rep. Cynthia Villar.
Paano mo namang tatalikuran ang mga maralitang ito na nawalan ng lupang sakahan? Reklamo nila, kahit di pa sila pinaaalis ay hindi na sila makapagtanim ng ano mang kabuhayan nila dahil may mga guwardyang tinututukan sila ng baril.
Kung saan-saan na nagdaos ng rally ang mga katutubong ito. Sa harapan ng ABS-CBN at GMA-7, pati na sa mga kinauukulang tanggapan ng gobyerno para sila mapansin at tulungan. Naisangla umano ang kanilang lupain ng mga Villar sa Bangko Sentral ng Pilipinas sa halagang halos P2 bilyon kaya nagdaos sila ng rally doon. Nagsagawa rin sila ng kilos-protesta sa Ombudsman na doo’y nakapending pa rin ang kasong isinampa nila laban kay Villar.
Sino ang papansin sa mga taong ito? Matagal na silang dumulog sa akin, dangan nga lamang at walang pumapansin kaya inabot ng panahon ng eleksyon. Kaya hindi puwedeng mag-akusa ang sino man na ito’y may bahid ng pulitika. Katarungan lang ang hangad ng mga katutubong ito. Noon pang Setyembre 2008 nagsampa ng kasong plunder laban kay Villar ang mga Dumagat bukod pa sa kasong paglabag sa revised penal code laban naman kay Mrs. Villar.. Pero mahirap ba talagang pumalag ang isang mahirap laban sa mayaman at impluwensyal na kalaban?
Nangunguna sa mga naghahabol kay Villar ang dalawang taong personal kong kakilala noon pang panahon ni Presidente Ramos. Ito’y sina Ms. Gina Jarvina at Valentino Amador.
Hindi natin hangad ang manira ng reputasyon pero kung may puso si Mr. Villar sa mga maralita, bakit hindi niya ayusin ang problema ng mga katutubong ito na wala nang ibang maaasahang source of income maliban sa kanilang lupain?