Sino talaga ang nag-oovercharge sa smoke emission test?

MAGANDANG programa ang smoke emission test sa mga sasakyan para mababawasan ang pulusyon sa hangin. Naaayon ito sa implementasyon ng Clean Air Act of 1999. Pero paano ito maipatutupad ng maayos kung ang ilang kompanyang nakatalagang ipatupad ito ay nag-aaway-away.

Halimbawa, inakusahan ng isang IT firm ang Stradcom na siyang contractor ng computerization program ng overpricing sa bawat transaksyon sa smoke emission test. Pinabulaanan naman ito ng Stradcom. Ang sinisi ng Stradcom ay ang PETC-IT o Private Emission Testing Center Information na siya raw sumisingil ng P80 bawat transak-syon sa mga public utility transport. 

Bukod sa Stradcom, ang LTO ay may apat pang IT firms na kalahok sa smoke emission test. Kabilang dito ang Eurolink, ETC IT (Express Trans Communication and Information Technology, Inc.), RDMS (Realtime Data Management Service), at Cyberlink. Ngunit inamin ng Stradcom na bilang computerization contractor ng LTO ay sinisingil nito ang mga IT providers ng P36 kada transaksyon para sa uploading ng mga datos mula sa private emission testing centers tungo sa LTO IT database. Nilinaw ng Stradcom na ang PETC-IT provider ang siyang sumisingil sa publiko. Ang sinisingil daw ng Stradcom mula PETC-IT ay yung nakulekta na ng mga IT providers mula sa mga may-ari ng public utility vehicles. Anang Stradcom, kakatwa ang paratang ng PETC-IT dahil ito pala ang naniningil noon pang 2007.

Nag-aakusa pa rin ang PETC-IT na magdaragdag pa ng P50 para sa emission test ang Stradcom. Itigil na sana ang ganyang paratangan para maayos nang maipatupad ang isang batas na kung ilang taon na’y di pa maayos na naiimplimenta.

Show comments