NAGING mahigpit ang seguridad ng Philippine National Police Aviation Security Group sa loob at labas ng Philippine Air Lines Centennial Airport kahapon nang dumating si Manny “Pacman” Pacquiao. Gaya ng dati, nagsapawan na naman ang mga kapatid ko sa hanapbuhay sa pagkuha ng magandang larawan ni Pacman habang niyayakap ang kanyang mga anak na sina Princess, Jimuel at Michael. Maraming katanungan ang inihanda ng mga kapatid ko sa hanapbuhay subalit limitado lamang ang oras na ibinigay sa kanila ng organizer upang makapagpahinga si Pacman. Kaya ang napagtuunan na lamang ng tanong ay kung magreretiro na siya. Halatang dismayado si Pacman sa naging resulta ng laban niya kay Joshua Clottey dahil hindi niya napabagsak. Nasanay na si Pacman na ang lahat na naging kalaban niya’y humalik sa lona at hindi na umaabot sa 12 rounds. Si Clottey ay matibay ang depensa kaya naging matatag hanggang matapos ang laban. Bagamat hindi malinaw ang kasagutan ni Pacman sa tanong, malinaw na nakasalalay sa kanyang kandidatura bilang kongresista ng Sarangani sa 2010 election ang kasagutan.
Matapos ang pagpapaunlak sa reporters at photographers lumabas na si Pacman kasama ang kanyang asawang si Jinkee at mga anak at nagtuloy sa New World Hotel sa Makati City. Marami ang nag-aabang sa pagdating ni Pacman doon at ng bumaba nga ito sa kanyang sasakyan ay halos magbalyahan pa nga ang ilang bisita at mga media people sa pag-uunahan na makapuwesto sa daraanan para makamayan at makunan ng larawan. May ilang pulitiko akong nakita na nagbabakasakaling makadikit kay Pacman para magpakuha ng larawan na magagamit sa kanilang pangangampanya. Ngunit nabigo ang mga ito dahil nabakuran na sila ng mga kapartido at handlers ni Pacman. Naroroon sina Nacionalista Party presidential bet Sen. Manny Villar, Ilocos Sur Governor Luis Chavit Singson at Environment sec. Lito Atienza. Siyempre kung hindi ka naman talaga makatutulong sa kandidatura ni Pacman itsapwera ka muna.
Matapos ang balitaktakan kina Villar, Singson at Atienza ay muling sumakay na si Pacman sa inihandang sasakyan ni Atienza upang magtungo sa Quiapo Church. Ngunit habang binabagtas ang kalyeng patungo sa Kamaynilaan, biglang nagbago ang direksyon nang pumasok ito sa teritoryo ni Atienza sa may San Andres Bukid kaya nagka-hitot-hitot ang mahabang caravan. Mukhang nakakuha nang malaking puntos si Atienza sa kanyang mga katunggali sa pagka-mayor ng Maynila. Nagmistulang political sortie umano ni Atienza ang nangyari gamit si Pacman. Pana-panahon lang talaga ang tsamba. At habang pinangangalandakan ni Atienza sa kanyang mga kababayan si Pacman ay abala naman ang mga tauhan ni Manila Police District director Rodolfo Magtibay sa pagsaayos sa mga kalye na pagdaraanan ng convoy. Itinaboy ang mga sasakyan nakahambalang sa kalye at nilagyan pa ng barikada ang pagpaparadahan ng sasakyan ni Pacman sa loob ng Plaza Miranda. Kapitbisig pa nga ang mga kapulisan ni Magtibay nang bumaba na itong si Pacman sa kanyang sasakyan papasok ng simbahan upang maiwasan ang pagdaluhong ng fans.
Saludo ako sa mga magigiting nating pulis na gumanap sa kanilang tungkulin. Walang kinikilingan sa oras ng pangangailangan.