Huwag ka munang magretiro, Pacman!
MALABO pa kung magreretiro na si Pacman. Malakas pa siya at wala pa ring maaaring tumalo sa kanya. Hindi pa rin tiyak kung matutuloy ang pakikipagsagupa niya sa madaldal na si Mayweather. Si Mayweather ang dating “pound for pound king” bago na hawakan ni Pacman.
Maraming hinihinging kondisyones ang madaldal na si Mayweather na ayaw ni Pacman. Isa rito ang blood-testing kapag malapit na ang araw ng laban. Ayaw ni Pacman sapagkat magpapahina ito sa kanyang katawan. Ang ayaw din ni Pacman ay ang hatian sa kikitain. Ipinagpipilitan ni Mayweather na dapat mas malaki ang kanyang kikitain kay Pacman.
May mga iba pang hindi pagkakasundo ang dalawang boksingero kaya hindi matuluy-tuloy ang matagal nang pinananabikang labanan. Sinasabing kapag natuloy ito, ito na ang pinakamalaki at pinakamaraming nanood ng boksing sa mundo na daig pa sa mga pinakamalaking laban ni Muhammad Ali. Si Pacman na ngayon ang may hawak ng tinaguriang the greatest fighter of all times.
Sabi ng mga eksperto at boxing analyst, hindi pa nararapat mag-retiro si Pacman sapagkat napakalakas pa. Marami pa raw tatalunin. Ito rin ang opinion ko, hindi pa siya dapat magretiro sapagkat sa palagay ko, nagsisimula pa lamang siya. Marami pa siyang karangalan na ibibigay sa bansa. At sa kalagayan ngayon ng Pilipinas na pawang ang mga kurakot sa gobyerno at teroristang Sayyaf ang nababalita, mas magandang may mapag-usapang Pinoy na mahusay sa boksing. Sinasagip ni Pacman ang Pilipinas sa kahihiyan.
- Latest
- Trending