Interpretasyon

Lagi nating sinasabi na ang hudikatura ang huling takbuhan ng mamamayan para sa katarungan at kapantayan. Na ito ang sanga ng gobyerno na hindi maiimpluwensiya ninoman, malinis, mataas ang integridad, walang kinikilingan, walang pinapaboran. Basta hustisya ang kailangan, nandyan ang hudikatura para malapitan ng mamamayan. At walang mas mataas pa sa Korte Suprema. Wala. Sila ang naninigurado na hindi nalalabag ang konstitusyon na siyang pondasyon ng ating batas. Pero sa ginawang desisyon ng siyam sa labinlimang hustisya ng Korte Suprema kung saan pinapayagan ang Pangulo na magtalaga ng bagong Chief Justice anim na linggo bago matapos ang kanyang termino, tila gumuho na ang tiwala sa mataas na hukuman na magdesis­yon ng walang pinapaboran, at ang masama pa, tila ang Mataas na Hukuman na mismo ang hindi na sumusunod sa konstitusyon na siyang nanumpa na ipagtatanggol.

Sa ginawang desisyon nung siyam, pwede pang magtalaga si Pangulong Arroyo na kapalit ni Chief Justice Reynato Puno kapag nag-retiro na sa Mayo 17, isang linggo matapos ang pambansang halalan itong taon. Anim na linggo na lang ang natitira sa termino ni Arroyo sa petsang iyon. Ayon sa Saligang Batas, hindi na pwedeng magtalaga ang Pangulo sa anumang posisyon sa gobyerno, dalawang buwan bago ang Mayo 10 na eleksyon hanggang sa katapusan ng kan­yang termino. Maliwanag di ba? Pero sa interpretasyon ng siyam na hustisya ng Korte Suprema, hindi raw kasali ang hudikatura sa nasabing probisyon at para lang sa ehekutibo. Dapat daw kasi mapuno ang lahat ng bakante sa hudikatura sa loob ng siyamnapung araw.

Ayan ang problema ngayon. Interpretasyon. Eh kung interpretasyon lang ang pag-uusapan, eh di ang interpretasyon ng marami ay halos lahat na ng miyembro ng Korte Suprema ay mga itinalaga ni Pangulong Arroyo, kasama na ang magiging bagong Chief Justice! Eh di lahat iyan ay kahit papano, kasangga ni Arroyo. At kung ganun na nga na halos lahat ng miyembro ng pinaka-mataas na hukuman sa bansa ay kaalyado niya, isama mo pa na halos lahat ng dating heneral ng PNP at AFP na nasa iba’t bang posisyon sa gobyerno ay mga kilalang taga-suporta ni Arroyo, magkaroon kaya ng pagpalit ng bagong administrasyon itong darating na halalan? Interpretasyon lang naman.

Nakakabahalang interpretasyon!

Show comments