MAY mga kasong ilang taon na ang nakalipas nang trabahuin ito ng BITAG, ganunpaman ay tinututukan pa rin ng aming grupo sa kasalukuyan.
Tinawag namin ang mga kasong ito na BITAG Open Files, dahil bagamat pinaghimasukan na ito ng aming grupo base sa kahilingan ng mga biktima, hindi pa rin lubusang sarado ang kaso.
Hindi pa natatamasa ang hustisya na hangad ng mga biktima sa krimeng naganap.
Dahil hinihintay pa ang desisyon ng hukuman upang maparusahan at managot sa batas ang mga suspek.
Isa na rito na naunang binalikan ng BITAG ay ang Bataan Gang Rape kung saan taong 2006 nang lumapit sa BITAG ang 16-anyos na si Baby
Ang mga suspek, anak at mga kamag-anak ng mga taong may posisyon sa pulitika sa Hermosa, Bataan. Maimpluwensiya, kalat ang lahi at tinuturing na teritoryo nila ang pinangyarihan ng krimen.
Sa pagbabalik ng biktimang si Baby sa BITAG na ngayo’y 20 taong gulang na, bakas pa rin sa kaniya ang takot at pangamba tuwing sasariwain ang krimeng ginawa sa kaniya.
Dagdag sa kaniyang pasakit ay ang katotohanang hindi na siya makabalik pa sa bayang sinilangan at kinalakihan.
Bukod rito, patuloy ang pananawagan ni Baby at ng kaniyang mga magulang sa Department of Justice hinggil sa desisyon nitong mailipat ang pagdinig ng kaniyang kaso mula sa Bataan papuntang Maynila.
Simpleng kahilingan kung tutuusin sa kampo ng biktima upang magkaroon ng patas na laban subalit apat na taon nang nakakaraan, wala pa ring kasagutan mula sa DOJ.
Panawagan pa ng biktimang si Baby, ibigay na sana ng DOJ ang para sa kaniya bilang biktima.
Hindi pa hustisya ang kanilang kahilingan kundi patas muna na laban na magsisimula lamang kung aaprubahan na ng DOJ ang kahilingan na “change of venue”.
Oktubre pa ng 2006 nang i-file ito ng Volunteers Against Crime and Corruption sa DOJ. Ang nakakalungkot, dalawang sekre- taryo na ang umupo sa DOJ, tila lalong natambakan ang kahili-ngan na nabanggit.
Ito ang patuloy na tinututukan ng BITAG. Patuloy ang pagkatok namin at ni Baby sa pintuan ng DOJ hinggil sa simpleng hiling ng biktima.