LAGI kong sinasabi na ang judiciary ang huling takbuhan ng mamamayan para sa katarungan. Na ito ang sangay ng gobyerno na hindi maiimpluwensiyahan ninuman, malinis, mataaas ang integridad, walang kinikilingan, walang pinapaboran. Basta hustisya ang kailangan, nandyan ang judiciary para malapitan ng mamamayan. At walang mas mataas pa sa Korte Suprema. Wala. Sila ang naninigurado na hindi nalalabag ang konstitusyon na pundasyon ng batas.
Pero sa ginawang desisyon ng siyam sa 15 justices ng Korte Suprema kung saan pinapayagan ang presidente na magtalaga ng bagong Chief Justice anim na linggo bago matapos ang kanyang termino, tila gumuho na ang tiwala sa mataas na hukuman na magdesisyon ng walang pinapaboran, at ang masama pa, tila ang Korte Suprema ang hindi na sumusunod sa konstitusyon.
Sa ginawang desisyon ng siyam, puwede pang magtalaga si President Arroyo ng kapalit ni Chief Justice Reynato Puno kapag nagretiro sa Mayo 17. Anim na linggo na lang ang natitira sa termino ni Arroyo sa petsang iyon. Ayon sa Saligang Batas, hindi na puwedeng magtalaga ang presidente sa anumang posisyon sa gobyerno, dalawang buwan bago ang May 10 elections hanggang sa katapusan ng kanyang termino. Maliwanag di ba? Pero sa interpretasyon ng siyam na justices ng Korte Suprema, hindi raw kasali ang judiciary sa nasabing probisyon at para lang sa executive. Dapat daw kasi mapuno ang lahat ng bakante sa judiciary sa loob ng 90 araw.
Ayan ang problema ngayon. Interpretasyon. Eh kung interpretasyon lang ang pag-uusapan, eh di ang interpretasyon ng marami ay halos lahat na ng miyembro ng Korte Suprema ay mga itinalaga ni President Arroyo, kasama na ang magiging bagong Chief Justice! Eh di lahat iyan ay kahit papano, kasangga ni Arroyo. At kung ganun na nga na halos lahat ng miyembro ng pinakamataas na hukuman sa bansa ay kaalyado niya, isama na lahat ang dating heneral ng PNP at AFP na nasa iba’t ibang posisyon sa gobyerno ay mga kilalang tagasuporta ni Arroyo, magkaroon kaya ng pagpalit ng bagong administrasyon ang darating na election. Interpretasyon lang naman.
Nakababahalang interpretasyon!