'Paulit-ulit ang aking pigsa'
Dr. Elicaño, gusto ko pong isangguni itong paulit-ulit na pagsibol ng pigsa sa aking katawan. Ako ay 50-anyos at isang empleado sa gobyerno. Nagtataka ako kung bakit madalas at paulit-ulit ang pigsa sa katawan ko. May tumutubo sa aking kilikili, hita at ang matindi ay sa puwit. Iritable ako kapag tumubo sa puwit sapagkat hindi ako makapasok sa opisina. Hindi kasi ako makaupo dahil sobrang sakit ng pigsa. Ano po ba ang dahilan at lagi akong tinutubuan nito?” —ANDRES MONTES, Sariaya, Quezon
Tanong ko lang sa’yo Mr. Montes, hindi ka ba diabetic. Ang pabalik-balik o paulit-ulit na pigsa sa isang tao ay maaaring sintomas nang pagiging diabetic. Nararapat na magpaeksamin ka para malaman ang level ng blood sugar mo.
Ang pigsa (boil) ay skin infection sa hair follicle o gland. Namamaga ang bahaging tinubuan at nagkakaroon ng nana sa loob. Ang pigsa na malalim ang pagkakatubo at madaling kumalat ay tinatawag na carbuncle. Ang sintomas ng pigsa ay ang pamumula, masakit at namamagang bukol. Hindi namamalayan ang pagtubo ng pigsa at iglap ay mararamdaman na lamang ang masakit na bahagi.
Karaniwang ang pigsa ay may ulo at kapag nahinog ito ay puputok at lalabas ang nana. Masyadong masakit kapag pumutok ang pigsa. Totoong kapag may pigsa ay irritable ang taong meron nito.
Ipinapayo ko na huwag hintaying pumutok ang pigsa. Agad na kumunsulta sa doctor para sila ang magperform sa pag-aalis o pag-opera sa pigsa at maalis ang nana. Kapag pinisa mo ang pigsa at kumalat ang nana sa paligid nito o sa balat, maaaaring tumubo muli roon ang iba pang pigsa.
Antibiotic ang ibinibigay para labanan ang infection o ang bacteria na tinatawag na staphylococcus aureus.
- Latest
- Trending