EDITORYAL - Linisin ang mga estero habang may El Niño
MARAMING makabuluhang bagay ang magagawa ngayong nananalasa ang El Niño. Isa rito ay ang paglilinis sa mga kanal at estero. Bago pa dumating ang tag-ulan, samantalahin na ng mga nangangasiwa sa flood control project ang paglilinis sa mga baradong kanal at estero. Ang mga baradong estero ang dahilan kaya nagkakaroon ng mga pagbaha sa Metro Manila.
Ang paglilinis sa mga waterways ay isa rin sa hinihiling ni presidential bet Gilbert Teodoro. Sabi ni Teodoro, ngayon pa lamang ay simulan na ang paglilinis sa mga daanan ng tubig upang hindi magbaha at maulit ang nangyari noong September 26, 2009 na nanalasa si “Ondoy”. Sabi pa ni Teodoro, ang kuning trabahador sa paglilinis ng mga waterways ay ang mga naging biktima ng “Ondoy”. Iprayoridad daw ang mga ito para magkaroon ng trabaho. Karamihan sa mga nawalan ng tirahan ay ang mga nasa pampang ng ilog at mga estero. Karamihan din sa mga namatay ay mga nakatira sa pampang nang anurin nang malaking baha.
Magandang pagkakataon na ngayong tagtuyot ay ipursigi ng pamahalaan ang paglilinis sa mga daluyan ng tubig. Ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ang nararapat pukpukin sa pagkakataong ito. Mula January na naramdaman na ang hagupit ng El Niño ay walang nakikita ng pagkilos sa MMDA na may kaugnayan sa paglilinis ng mga baradong kanal. Nasaan na ang kanilang flood control team? Ang tanging nakikitang pinagkakaabalahan nila ay ang paghuhukay sa mga kalsada, particular sa EDSA na nagdudulot ng grabeng trapik. Abala rin sila sa paggawa ng MMDA footbridge at mga U-Turn slots. Dapat bang unahin ito gayung mas mahalaga ang paglilinis sa mga estero. Kapag hindi pa nalinis ang mga estero, kanal, at iba pang daluyan ng tubig tiyak na mauulit ang pagbaha na katulad ng nangyari noong “Ondoy”.
Napakaraming lumulutang na mga plastic bag, tarpaulin ng kandidato, plastik na botelya ng mga inumin, sirang sopa, at kung anu-ano pang basura sa mga estero at sapa sa Metro Manila. Naging ilog ng basura ang Pasig River sapagkat dito lumuluwa ang mga dumi ng Metro Manila.
Unahin ang paglilinis sa mga daluyan ng tubig para maiwasan ang pagbaha. Ngayong tag-init ito gawin at hindi sa tag-ulan.
- Latest
- Trending