EDITORYAL - Bastusan na sa pagtataas ng petroleum products

NOONG nakaraang linggo ay nasorpresa ang mga motorista sa walang babalang pagtataas ng petroleum products. Nalaman na lamang nila nang magpapakarga ng gasoline na tumaas na pala ng P1. Kamakalawa, nasorpresa na naman ang mga motorista sapagkat nagtaas muli ng presyo ng halos lahat ng petroleum products ng 50 sentimos. Dahil walang babala, marami ang hindi nakapagpakarga ng gasoline at diesel. Maraming motorista ang nagmura sa pagkainis. May nagmura sa “Big 3” at mayroong minura rin si Energy secretary Angelo Reyes. Maraming nag-init ang ulo sapagkat bastusan na ang labanan sa pagtaas ng petroleum products na wala nang abiso. Sa mga nakaraan, kapag magtataas ang oil companies ng kanilang produkto, inihahayag nila sa radyo at diyaryo para naman makapagpakarga at nang makatipid kahit man lang kaunti.

Anim na beses nang nagtataas ng petroleum products mula Enero ng taong ito. Ngayong Marso, tatlong beses nang nagtataas ang mga oil companies ng kanilang produkto. May ginagawa rin namang pagbaba sa presyo ang oil companies, pero makalipas lamang ang isang linggo ay muli na namang tataas. Kung P1.00 ang itinaas, singkuwenta lang ang ibababa. At mas mabilis silang magtaas kaysa sa magbaba ng presyo.

Sa pinaka-latest na pagtataas ng petroleum products, umaabot na ang gasoline sa P44 hanggang P45 bawat litro; ang diesel sa P35 bawat litro at ang kerosene ay P47. Ang pagtataas ng presyo ay dahil umano sa pagtaas naman ng presyo sa pandaigdigang pamilihan kung saan ay $77 bawat bariles.

Magkakaroon pa raw ng mga pagtataas sa presyo ng petroleum products at asahan nang masosorpresa pa ang mga motorista. At sa kabila naman ng walang tigil na pagtaas, ni ha, ni ho ay walang mari­­nig sa Energy secretary. Bastusan na ang walang tigil na pagtataas pero wala nang pakialam ang Energy secretary sa mga nangyayari. Tila ba wala nang pakialam sa mamamayang apektado ng pagtataas. Nagbabanta na ang transport groups na magwewelga kapag hindi pinayagan ang kanilang hiling na magtaas ng presyo.

Nasaan nga ba si Reyes?

Show comments