TAPOS na ang laban nina Manny Pacquiao at Joshua Clottey. Pero ang mahalagang tanong, nasiyahan ba kayo? Nanalo na naman ang ating pambansang kamao, pero sa laban na ito, hindi nakuha ni Manny ang panalo niya sa pamamagitan ng isang malakas na suntok. Nasanay na kasi tayo sa mga nakaraang laban ni Manny kung saan napapatumba niya o kaya’y sumusuko ang kalaban. Sa madaling salita, walang aksyon ang laban.
Sa tingin ko, nakuha ni Clottey ang plano niya. Na makalaban ang pinaka-magaling na boksingero ngayon, at hindi siya napatumba. Natalo nga siya, pero hindi siya malalagay sa hanay ng mga katulad nina Barrera, Morales, Diaz, Hatton, Cotto at De la Hoya kung saan napabagsak sila o kaya’y pinatigil na lang ang laban. Tandaan ninyo na kahit natalo si Clottey, may mauuwi pa rin siyang malaking halagang pera! Ang ginawa ni Clottey sa buong laban ay dumepensa na lang. Kilala siya sa kanyang mala-pagong na depensa. Kapag may umaatake, kaya niyang takpan ang halos buong katawan at mukha niya sa likod ng kanyang mahahabang braso. Ito ang ginawa niya sa 12 round. Ang masama lang, habang dumedepensa siya, hindi rin siya nakakaatake, at sa boksing, walang nananalo sa pagdepensa lang. Kailangan mong sumuntok, kailangan mong makatama.
Si Manny naman ay ginawa ang lahat para gibain ang depensa ni Clottey. Dinaan niya sa bilis at lakas ng suntok. May nakakapasok na suntok din naman sa mukha at katawan ni Clottey. Kaya nanalo siya sa puntos. Pareho ang tingin ng tatlong judges kaya unanimous ang desisyon. May mga ilang okasyon na akala ng lahat ay tatapusin na ni Manny ang kalaban pero matibay at malakas ding sumuntok kapag nakaka-tiyempo.
Sa lahat ng kapamilya at kababayan ni Manny, isang panalo na naman para sa Pilipinas na ikinatutuwa ng lahat! Ang panalo ay panalo, ika nga, maging sa knockout o sa puntos!
Ano na ang susunod kay Manny? Mukhang aasikasuhin ang kanyang pangangampanya bilang kongresista sa General Santos. Sa unang pagsabak niya sa pulitika, natalo si Manny. Ano naman kaya ang nahaharap ngayon? Kung boksing ang pag-uusapan, laging panalo si Manny. Eh sa pulitika kaya?