Matalinong kalaban si Clottey

PANALO muli si Manny “Pacman” Pacquiao, the greatest­ fighter in the planet today. Tinalo niya si Joshua Clottey ng Ghana. Kaya dito sa US ay walang katapusan ang pag-uusap ng Pil-Ams kay Pacman. Sabi, kung si May­weather ang nakalaban ni Pacman, mas lalo nang mainit ang usapan. Mas lalo raw walang katapusan ang pag-uusap tungkol sa panalo ni Pacman kung si Mayweather ang nakalaban ng greatest fighter.

Nagulat ang marami dahil hindi nila aakalain na ang makakalaban ng kanilang “idol” ay parang pader sa laki at tibay. Totoo ang balita . Sa unang tingin pa lamang ay napakalaki at mukhang solido ang pangangatawan ni Clottey na para bagang hindi kayang pabagsakin. At totoo nga. Pero sa tingin ko, matalinong kalaban si Clottey.

Hindi umubra ang mga taktika ni Pacman. Kahit na pinaulanan niya ng suntok ang katawan ni Clottey para bumaba ang mga kamay nito at malantad ang mukha. Masyasdong nakapagkit ang mga kamay ni Clottey sa kanyang mukha sa lahat ng rounds ng laban. Kahit na anong gawing suntok ni Pacman, hindi ito matinag at hindi nga nakayang pababain ang mga kamay. Hang­gang sa matapos ang 12 rounds, ay hindi napabagsak ni Pacman si Clottey. May pasa pa sa kanang mata si Pacman samantalang si Clottey, ni galos ay wala. Kumita nang malaki si Clottey kahit na kaunti lang ang pinawalang suntok. Matalino talaga si Clottey sapagkat kumita nang pera na hindi gaanong nabugbog.

Nagwagi si Pacman pero walang thrill sapagkat hindi niya nayanig at napabagsak ang kalaban. Nakaugalian na kasing sa bawat laban ni Pacman ay walang humpay na pukpukan at aksiyon. Ganoon pa man, tinanggap muli ang tagumpay ni Pacman. At sa palagay ko, maghihintay na naman ang sambayanan ng panibagong laban ni Pacman.

Show comments