MAGANDA nga ang layunin ng pagpalabas ng five percent ng calamity fund ng mga local government units sa gitna ng matinding power crisis sa Mindanao. Ito ay upang makatulong na maibsan ang lalong humahabang blackouts na umaabot na ng kalahating araw dahil nga sa tumataas na power generation deficiency bunsod ng tagtuyot na dala ng El Niño phenomenon.
Ang calamity fund ay gagamitin sa pagbili ng modular generators at kinakailangang fuel upang magamit habang patuloy na bumababa ang water level sa Lake Lanao at sa Pulangi River sa Bukidnon, na siyang mga main source ng hydroelectric power sa Mindanao.
Maliban pa sa power crisis, inaasahan din na makakatulong ang release ng calamity fund sa mga magsasakang masyado nang naapektuhan ng El Niño lalo na at malapit na naman ang school opening.
Ngunit kailangan ng maximum transparency at maximum accountability ang disbursement ng calamity fund ito dahil nga sa timing nito lalo na at ngayong March 26 ay simula na ng campaign period para sa local elections sa May 10.
Kailangang bantayan ng maigi ng mga mamamayan na hindi mapupunta sa campaign funds ng mga pulitiko ang nasabing pondo para sa kalamidad.
At ang pagdeklara ni Pangulong Arroyo ng state of calamity sa Mindanao na siyang naging daan sa pagpalabas ng calamity fund ay isang band-aid solution lang sa power problem. Ito ay pangmadaliang solusyon lang na inaasahang magbibigay lunas sa loob ng tatlo o apat na buwan hanggang sa darating na ang tag-ulan.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines, aabot pa ng ilang buwan ng tag-ulan bago maabot ng Lake Lanao at Pulangi River ang desired water level nito upang mai-assure ang sapat na supply para sa requirements ng hydropower plants sa Mindanao.
Kaya bago bumaba si Pangulong Arroyo sa puwesto ngayong June 30, kailangang magkaroon ng malinaw na solusyon ang power crisis sa Mindanao. Hindi pupuwedeng mabibitin ang mga Mindanaoan dahil nga sa kakulangan ng aksyon ng gobyerno ukol sa power crisis.
Sigurado na ang power crisis na ito ay maging pangunahing problema na pasanin ng susunod na administrasyon.
At sa gitna ng pagpalit ng administrasyon, ang higit 20 million na Mindanaoan ang patuloy na naghihirap sa walang katapusang blackouts!