Dalaga pa lang pero me varicose veins na
“Dr. Elicaño, ako ay 25 years old at saleslady sa isang ma-laking shopping mall. Pinuproblema ko ang paglilitawan ng mga ugat sa aking binti sa dakong likuran. Hindi pa naman gaanong halata pero natatakot akong mauwi na ito sa varicose veins na kagaya nang nasa binti ng aking mama. Bilang saleslady kailangan pa namang nakabestida at paano kung lumabas na nga itong varicose veins sa binti ko. Hindi naman ito maitatago ng stockings. Me alam ka po bang paraan para mapigilan ang paglabas ng varicose veins ko? Salamat po Doctor.” —MARISSA ng Sta. Mesa, Manila.
Maaari pang mapigilan ang paglitaw ng varicose veins mo sa pamamagitan ng regular na paglalakad. Kapag nasanay na iginagalaw mo ang mga binti, hindi na lilitaw ang mga ugat. Iwasan mo rin na magde-kuwatro sa pag-upo (cross legs). Kung maaari, iwasan ang matagalang pagtayo. Kung matagal ka namang nakatayo dahil hindi maiiwasan sa trabaho mo, subukan mong itaas o ipatong ang iyong mga paa pagkatapos ng trabaho. Ito ay para maging maayos ang sirkulasyon ng dugo sa mga paa at binti.
Ipinapayo ko rin dagdagan ang pagkain ng mansanas, sariwang berdeng gulay, brown rice at iba pang pagkain na mataas sa fiber. Panatilihin ang katamtamang pangangatawan.
Karaniwang lumalabas sa mga kababaihan ang varicose veins kapag nanganak. Mga pangit na ugat na bukol-bukol at ang iba ay kulay violet na nasa likod ng tuhod bagamat maaari rin itong lumitaw sa iba pang bahagi ng katawan.
Hindi lamang mga babae ang nagkakaroon ng varicose veins kundi maging ang mga lalaki man.
Nasa panganib magkaroon ng varicose veins ang mga taong matataba at ganun din ang mga taong ang trabaho ay laging nakatayo gaya halimbawa ng saleslady, teacher at security guard.
- Latest
- Trending