UNANG nalantad ang tinatawag na “narcopolitics” sa Central at South America , kung saan natuklasan na ang mga sindikato at ang mga cartel ng droga ay nagpapatakbo ng kanilang mga kandidato sa mga election upang mahawakan nila ang poder ng gobyerno kung saka-sakaling sila ang mananalo.
Dito sa atin sa Pilipinas, parang napakahirap isipin na magkaroon ng “narcopolitics” dahil napakalayo na sa atin ang Central at South America, at lagi tayong umaasa na hindi naman sana kasing tindi ang mga sindikato ng droga dito kumpara sa ibang bansa. Ganoon nga ba ang totoong sitwasyon?
Para ring napakahirap isipin na ang pulitika sa Pilipinas ay parang nagiging negosyo, kung saan ang mga pulitiko ay nagiging mga “investor”, na ang ibig sabihin ay namumuhunan sila ng pera sa kanilang pagtakbo, sa pag-asa na kung sila ay mananalo, mababawi nila ang kanilang investment, at kikita sila ng mas higit pa.
Bilang isang abogado, mahalaga sa akin ang freedom of the press at ang freedom of expression. Kaya nga lang, napansin ko sa election na ito na puwede palang magbuhos ng pera ang isang kandidato kasama ang kanyang mga “friends”, upang makilala sila at tumaas ang kanilang mga rating. Kung ganito ang nangyayari, hindi kaya possible na ang iba sa mga “friends” na ito ay mga sindikato na nagnanais magkaroon ng mayor, congressman, governor, senator o di kaya presidente na hawak nila? Hindi ba yan ang ibig sabihin ng “narcopolitics”?
Siguro naalala ninyo ang dating congressman na si Mark Jimenez na nakulong sa America dahil sumobra diumano ang kanyang ibinigay na contribution sa isang kandidato. Nalaman yan ng mga awtoridad sa Ame- rica, dahil mayroon silang sistema ng disclosure roon, kung saan ang mga donors (mga friends) ay nagdedeklara kung sino sila, at kung magkano ang kanilang ibinigay. Kailan kaya magkakaroon ng sistema na ganito sa Pilipinas upang magi-ging transparent ang election natin?
Mayroon naman tayong Anti-Money Laundering Council (AMLAC) ngunit hindi natin alam kung talagang ginagawa nila ang kanilang trabaho.
Sa panahon ngayon na halos bumabaha ng pera sa election, dapat naririnig na sa AMLAC kung sino ang mga iniimbestigahan nila upang malaman kung saan nanggagaling ang mga pera na ginagastos ngayon sa election. Can you imagine kung ano ang mangyayari sa atin kung ang mga position sa gobyerno ay maari nang mabili ng pera?