EDITORYAL - Walang graduation fee pero tuloy ang singil
MAY epekto marahil ang pagpapalit ng kalihim ng Department of Education (DepEd) sapagkat maraming paglabag na nagaganap ngayon sa mga public schools lalo na ang tungkol sa mga bayarin sa graduation. Bago inilipat si DepEd secretary Jesli Lapus sa Department of Trade and Industry nag-isyu siya ng kautusan sa public schools na walang graduation fee. Maliwanag ang isinasaad sa DepEd Order No. 13 na wala kahit isang sentimo na babayaran ang mga ga-graduate sa public schools (elementary at high school). Pero ang kautusan ay tahasang nilalabag sapagkat patuloy sa paniningil ang maraming public schools.
Ibinunyag ni Kabataan Party-list Representative Raymond “Mong” Palatino na 26 na public school sa Metro Manila ang lumalabag sa kautusan. Nanawagan si Palatino na imbestigahan kaagad ang 26 na schools sapagkat lubha namang kawawa ang mga magulang ng ga-graduate na estudyante. Ayon sa report, ang sinisingil sa mga ga-graduate ay nagre-range sa P150 hanggang P1,150.
Ano ang nangyayari sa DepEd Order No. 13 at tila nabalewala na mula nang ilipat si Lapus. Ano naman kaya ang ginagawang hakbang ng bagong DepEd Secretary na si Dr. Mona Valisno sa problemang ito. Mahusay na edukador si Valisno at marahil hindi pa nakararating sa kanya ang problema. Nasaan naman ang DepEd Undersecretary at tila wala rin alam tungkol sa mga paglabag ng public schools.
Ayon sa report ang graduation fees ay gagamitin daw sa yearbook publication, graduation balls, togas, sound system, PTA, graduation pictures, catering services, stage decorations at transportations.
Una nang sinabi ni Lapus na dapat ay hindi magarbo ang graduation. Walang gagastusin ang mga magulang. Pero ano itong nangyayari na umaabot sa libong piso ang babayaran. Sa hirap ng buhay ngayon, ang P100 ay malaking tulong na para sa pagkain ng pamilya. At kung magbabayad pa nang mahigit sa isang libong piso, ano na ang mangyayari sa mahihirap. Baka manigas na sila sa gutom. Naka-graduate nga ang anak pero kumakalam naman ang sikmura dahil walang laman. Imbestigahan ng DepEd ang paniningil na ito. Tandaan ng mga magulang: “no graduation fee”.
- Latest
- Trending