Pagtatapos
PANAHON na naman ng graduation. Pero ang pinakahihintay ng mga magulang ay ang graduation ng kanilang anak sa kolehiyo. Ako’y natutuwa rin dahil meron nang unang magtatapos mula sa kolehiyo na galing sa henerasyon na sumusunod sa amin. Isa kong pamangkin ay magtatapos na sa kolehiyo ngayong Marso. Sa aming maliit na kita-kits noong Linggo, nalaman kong may kumukuha na sa kanyang kompanya, at gusto pa siyang magsimula na sa Lunes! Nakakatuwa dahil sa panahon ngayon, may mga oportunidad pa rin kung saan ang trabaho ang naghahanap.
Ang sabi ko nga sa aking pamangkin, tanggapin na niya ang alok na trabaho. Iniisip pa kasi niya dahil ang gusto yata ay magpahinga sandali at ilang taon na rin siyang nag-aaral. Gusto sana pagkatapos ng Holy Week na pumasok. Doon medyo binigyan ko ng payo. Gaya nga ng sabi ko, mahirap ang panahon ngayon, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong bansa. Mga ganyang oportunidad, kung hindi susunggaban, baka mawala at mapunta pa sa iba. Nakinig naman at papasok na sa Lunes. Ikinatutuwa ko ang nangyayari sa pamangkin ko, na tanging siya lang ang humanap ng trabaho, at hindi nagpatulong sa akin. Meron iba diyan, tinulungan mo na at lahat, sinayang lang.
Meron din kasi akong naririnig na kuwento na kabaliktaran naman ang nangyari. Mga okasyon din kung saan ang mga kompanya ang naghahanap, pero hindi tinatanggap dahil may gusto pang gawin muna. Sa madaling salita, gustong mag-enjoy muna. Wala namang problema diyan kung may karapatang mag-enjoy. Kung ubod na ng yaman ang pamilya, heredero ng isang kaharian na negosyo, mga ganung karapatan. Ang mahirap, marami naman din ang hindi, at pinalalampas pa ang mga oportunidad na ganyan para lang makapag-enjoy muna. Sa aking karanasan at testigo na rin sa maraming buhay, ang mga nakaka-enjoy talaga ng buhay ang iyong mga nagtrabaho at naghirap muna. Napakaraming libangan na kasi para sa mga kabataan ngayon. Mga laruan, mga gimikan, mga kaibigan. Noong araw, trabaho lang talaga ang mahalaga sa isang pamilya. Ngayon, mas marami na ang magagawa maliban sa trabaho. Maraming oras ang maitatabi para sa pag-enjoy kapag nakaipon na mula sa trabaho. Ito ang dapat maintindihan ng lahat. Alam kong mas masarap mag-enjoy. Sino ba naman ang ayaw nun? Pero, mas masarap kapag kaya mo na pumunta kahit saan, kaya mo na bilhin ang kahit ano, dahil nakaipon ka na nang malaki mula sa pinaghirapan mong trabaho.
Sa mga ga-graduate, congratulations!
- Latest
- Trending