HINDI lahat ng nasa likod ng malamig na bakal ng kulungan, lumabag sa batas at nagkasala sa lipunan.
Ang ilan, epekto lamang ng kapalpakan ng mga otoridad, mula sa pulis hanggang sa piskal na humawak sa kanilang kaso ang dahilan.
Tulad ng isang taxi dyaber na nakulong dahil sapilitang binitbit ng kaniyang among Intsik sa police station.
Walang pulis na kasama, estilong citizen’s arrest ang ginawa ng kolokoy na amo sa kaniyang drayber.
Pinagbintangang nagnakaw ng pera, ang halaga, apat na libong piso at ang kaso qualified theft.
Kung hindi pa lumapit sa BITAG ang kaniyang asawa na ang akala’y dinukot ang mister, hindi namin matutuklasang ilang linggo nang naghihirap sa estasyon ng pulis dahil sa kasalanang hindi ginawa.
Natuklasan namin ang lahat, nang kumabog ang dibdib at nagsalita sa BITAG ang tinawagan namin ang kaibigan ng Intsik na siyang operator ng taxi. Binitbit daw ng kaniyang kaibigan ang drayber sa Galas, Police Station sa Quezon City.
Hindi raw nakapagsumite ng boundary ang drayber at nagpaalam daw ito sa kaniyang amo na aalis na sa trabaho subalit nangakong babayaran ang nagamit na pera na nagkakahalaga ng dalawang libong piso.
Nang di magkasundo, sa estasyon ng pulis ang tuloy, lingid sa kaalaman ng pobre ilang minuto na lamang ay maghihimas na siya ng malamig na bakal ng kulungan.
Dito, natunugan na ng BITAG na may manipulahang nangyari sa pagkakakulong ng biktimang taxi driver.
Pagkabitbit ng mga hayupak na amo, agad ikinulong naman ng engot na imbestigador ng nasabing estasyon ng pulis nang walang imbe-imbestigasyon.
Lumawak pa ang kapalpakan ng kaso, dahil pagdating sa piskal agad inayunan ang reklamo. Nagkumento pa ito, nagnakaw na raw siya hindi pa kinuha ang gulong ng minamanehong taxi.
Hulog sa BITAG ang kapalpakan, ka-engotan at katangahan ng mga otoridad sa kasong ito. Ang resulta, paghihirap sa loob ng kulungan ng pobreng taxi drayber.
Ang mga susunod na imbestigasyon ng BITAG, hahantingin namin ang piskal na humawak. At ang imbestigador na tumanggap ng lagay este ng kasong binitbit ng mga Tsinong amo, maghanda na…
Abangan!