Imbestigahan ang pananambang
HINDI talaga matanggap ng AFP kung bakit natambangan ang mga sundalo nila kung saan 11 ang namatay, kasama ang isang tenyente. Kaya nagsisigawa na rin ng imbestigasyon kung bakit napakarami sa kanilang mga kasama ang napatay ng isang kalaban na sinasabing wala nang kakaya- nan para ituloy ang kanilang “rebolusyon”. Mga pahayag na konti lang sila, wala nang pondo para ituloy ang laban. Lahat iyan pinabulaanan sa pinaka bagong enkuwentro ng AFP sa NPA. May mga nakuhang armas at radyo pa ang mga rebelde. Mga M16, pati isang M60 na machine gun!
Normal daw ang magkaroon ng imbestigasyon kapag marami ang namatay sa isang operasyon o enkuwentro. Kumbaga, kailangan nilang malaman kung bakit sila namatayan ng maraming tauhan. Mga pinuno ng grupo ng sundalo ang tatanungin kung paano plinano ang operasyon at paano pinatakbo. Nagbigay ng halimbawa si Lt. Gen. Roland Detabali, na mas sanay silang kumilos ng gabi. Ang nangyaring pananambang ay naganap sa umaga. Bakit daw sila kikilos ng umaga kung kelan sila makikita ng kalaban? At nasaan ang suporta mula sa himpapawid habang kumikilos ang mga sundalo sa lupa? Grounded pa naman ang mga natitirang OV-10 Bronco! Mga ganung tanong at pag-iimbestiga ang gagawin, para rin hindi na maulit ang mga mali, kung meron.
Sa isang labanan, importante ang hindi mo minamaliit ang kalaban. Sabi nga, sa isang labanan, dapat mas marami ang tauhan mo ng tatlo hanggang limang beses kaysa sa kalaban mo para makasiguro ng tagumpay. Sa nangyaring pananambang, mas sinunod yata ng NPA ang ganung doktrina, na ayon sa pa sa AFP, sila’y nasa mas magandang posisyon. Imbestigahan na ng todo lahat ukol sa nangyaring enkwentro. Imbestigahan na rin ang mga ulat na malaki na ang nakukuha ng NPA mula sa mga kandidato para mapayagang mangampanya, at manalo sa darating na eleksyon. Alamin na rin kung sino ang mga pulitikong nagbigay ng pera. Para na rin silang namondo sa NPA para makabili ng armas at bala. Para na rin sila ang nagbigay ng mga baril para mapatay ang 11 sundalo. At huwag na nilang maliitin ang NPA. Durugin na nang matapos na at mabawas-bawasan ang mga insurekto ng Pilipinas!
- Latest
- Trending