^

PSN Opinyon

Karanasan at kuwalipikasyon ang kailangan

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison -

KASO ito ni Ben. Isa siyang deck marine officer na natalagang magturo bilang Instructor I sa National Maritime Polytechnic (NMP) noong Hunyo 28, 1989. Ang NMP ay pag-aari ng gobyerno. Mula sa pagiging assistant professor I ay ginawa siyang associate professor I. Habang nagtuturo ay nag-aaral siya ng batas, nakapasa at naging abogado noong 1996 kaya’t itinalaga siya bilang officer-in-charge ng Maritime Training Division ng eskuwelahan. Siya rin ang pangunahing abogado o chief legal counsel ng NMP.

Noong 1996, muli rin siyang itinalaga bilang Professor I ngunit pansamantala lamang ang posisyong ito. Wala pa kasi siyang hawak na karanasan sa barko. Habang hawak ang naturang posisyon, nag-aral siya ng international maritime law sa Malta. Natapos niya ang kanyang master’s degree noong 2000. Gumawa siya ng isang module sa batas ng maritime law na ginagamit ng mga maritime officers ng NMP at inumpisahan pa nga niya ang pagtuturo nito.

Inulit lang ang pansamantalang pagtatalaga kay Ben bilang Professor I mula Enero 7, 2000 hanggang Enero 7, 2003. Noong Pebrero 13, 2003, ipinaalam ng NMP kay Ben na gagawin siyang contractual mula Enero 7, 2003 hanggang Hunyo 30, 2003. Noong Marso 20, 2003, muling ipinaalam ng NMP kay Ben na uulitin lang muli ang pansamantalang posisyon niya mula Abril 1, 2003. Ipinaalam din sa kanya na maaari lang ulit niyang makuha ang naturang posisyon kapag nakuha na niya ang dalawang taong karanasan sa barko bukod sa tatlong taong pagtuturo na hinihingi ng batas. Upang magawa niya ito, kinunsidera pa ng NMP na unahin si Ben sa shipboard rotation scheme sa 2003. Hahawakan niya ang posisyon ng 3rd officer o pangatlong opisyal ng barko. Hindi sumali sa programa si Ben, wala rin siyang pinasang papeles para sa programa. Imbes, gumawa siya ng sari-saring pakiusap sa pamunuan ng NMP na hindi naman ginawan ng aksyon ng huli.

Noong Disyembre 23, 2003, sinulatan ng NMP si Ben tungkol sa pagtatalaga sa kanya bilang Professor I mula Enero 5 hanggang Hunyo 30, 2004. Muli ay con­tractual ang nasabing posisyon. Pumayag naman si Ben at pumirma ng kontrata. Nang matapos ang kontrata noong Hunyo 30, 2004, sinabihan siya na huwag na siyang pumasok sa susunod na araw. Noong Nobyembre 2, 2004, inapela ni Ben sa Civil Service Commission ang kanyang kaso. Ayon sa CSC, walang kasiguraduhan ang posisyong hawak ni Ben dahil pansamantala at contractual lamang ito. Kasalanan din daw ni Ben ang nangyari dahil hindi siya gumawa ng paraan para maging permanente siya sa posisyon. Alam naman daw niya na kailangan siyang magkaroon ng kaukulang karanasan sa barko upang magkaroon ng lisensiya kahit pa limang taon na siyang Professor I.

Binaliktad naman ng Court of Appeals ang desisyon ng CSC. Inutos nito sa NMP na ibalik si Ben sa trabaho niya bilang Professor I at bayaran ng backwages magmula Hulyo 1, 2004. Dineklara ng CA na sapat na ang halos 15 taon ng pagtuturo ni Ben ay katumbas na ng kailangang karanasan sa barko na hinihingi ng NMP. Tama ba ang CA?

MALI. Hindi maitatanggi na sapat na ang karanasan sa pagtuturo ni Ben ngunit wala siyang karanasan sa barko. Katunayan, kahit kailan ay hindi pa siya nakasakay ng barko bilang lisensiyadong 3rd mate officer. Sa kabila ng pagkumbinsi ng NMP sa kanya, hindi pa rin gumawa ng paraan si Ben upang matupad o makuha niya ang karanasang kailangan sa barko. Dahil dito, puro pansamantalang posisyon lang ang kayang ibigay sa kanya ng NMP. Hindi siya maipirmi ng eskuwelahan sa trabaho. Ibig sabihin, nasa kamay na lang ng pamunuan kung hahayaan siyang magtagal sa puwesto o kaya ay hindi na. Kaya noong hindi na siya kunin ng NMP upang magturo, hindi masasabing tinanggal siya sa trabaho. Natapos lang talaga ang kanyang kontrata.

Sa kabila ng lahat ng nagawa ni Ben na trabaho sa loob at labas ng bansa, pati ang naging karanasan at partisipasyon niya sa pagtuturo sa mga seaman natin, hindi pa rin nito mapapalitan ang kuwalipikasyong hinihingi    sa kanya bilang Professor I. Ang hinihinging pormal na edukasyon, karanasan, kaalaman, kalusugan, panuntunan sa trabaho pati civil service eligibility ay nakasaad sa batas. Kailangang hawak ito ng sinumang gustong makuha ang trabaho sa gobyerno. Hindi ito nakuha lahat ni Ben. (NMP and DOLE vs. Maceda, G.R. No. 185112, January 18, 2010).    

BEN

ENERO

NIYA

NMP

NOONG

PROFESSOR I

SIYA

SIYANG

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with