PALIT-PALITAN lang ang pagkakaroon nang malalagim na aksidente sa bansa. Kung walang malagim na trahedya sa karagatan gaya nang paglubog ng barko, umaariba naman ang pagbagsak ng mga eroplano na ang pinaka-latest ay ang pagbagsak ng isang eroplano ng Philippine Air Force na dalawang opisyal ang namatay. At kung walang nagaganap na trahedya sa himpapawid, ang trahedya naman sa kalsada ang tumataas ang bilang. Ang pinakabagong aksidente na kinasangkutan ng mga sasakyan sa kalsada ay ang pagbangga ng isang bus sa puno ng Acacia sa Marcos Highway, La Union noong Sabado ng hapon na ikinamatay ng 12 pasahero at 39 ang nasugatan.
Ang PJM Love Bus ay galing Baguio City at patungong Maynila nang maganap ang aksidente. Pawang mga miyembro ng Catholic parish ng Sta. Rosa City, Laguna ang sakay ng bus at galing sa Visita Iglesia. Sa lakas ng pagbangga ay halos mahati ang bus. Nawalan umano ng preno ang bus habang nasa palusong at kurbadang bahagi ng highway. Mabilis ang takbo at hindi na nakabawi at bumangga sa malaking puno ng acacia. Nakaligtas sa kamatayan ang driver na si Silvestre Binay, 59. Nawalan umano ng preno ang bus. Nasa custody na siya ng pulisya at inihahanda na ang kasong multiple homicide.
Kamakailan lamang, isang pampasaherong dyipni na may mga pasaherong estudyante ang nahulog sa bangin sa Benguet at maraming namatay. Noong nakaraang taon, sunud-sunod na ang mga nangyayaring aksidente sa kalsada at marami ang namatay. Sa EDSA halimbawa ay maraming “pumapasadang kabaong” at hindi naman sila kayang patigilin ng Land Transportation Office (LTO) sa kabila na marami nang kinasangkutang aksidente. Pawang pagbabanta ang LTO at maski ang LTFRB na nagsabing babawian ng prankisa ang mga bus na masasangkot sa malalagim na aksidente.
Gaya ng kompanya ng bus na nakasagasa sa mag-ina habang naghihintay sa EDSA sa tapat ng Camp Crame. Nakaladkad ang mag-ina. Namatay ang anak samantalang ang ina ay naputulan ng kamay. Sa kasalukuyan, patuloy ang bus sa pagbibiyahe at maaaring makasagasa muli at makapatay.
Kailan igagarahe ang mga pumapasadang kabaong? Kailan maoobliga ang mga may-ari o drayber ng bus na inspeksyunin ang kanilang ibibiyaheng bus bago ibiyahe? Kailan kikilos ang LTO at LTFRB para hindi na maulit ang malalagim na aksidente.