Kinatatakot ni GMA mangyari ito sa RP
MASINOP ang saliksik ni Marites Vitug ng Newsbreak. Sa analisa niya natatakot si Gloria Arroyo mangyari ang naganap sa dalawang bansa sa Asya.
Nakaraang linggo, ulat ni Vitug, pinakumpiska ng Korte Suprema ng Thailand ang kalahati ng $2.3 bilyong unexplained wealth ni dating prime minister Thaksin Shinawatra. Pasya ng Korte na nakamit ang yaman sa pag-abuso ng poder na paboran ang mga sariling kompanya. Sa Pakistan nu’ng Enero pinabuksan muli ng Korte Suprema ang mga kaso ni President Asif Ali Zardari. Binanggit ng Korte si dating Philippine president Ferdinand Marcos at iba pang pinuno na pinanagot sa plunder. Anang Korte habulin dapat ang $600 milyong itinago ni Zardari sa Swiss bank accounts.
Ang matindi sa Pakistan ay ang pagtugis nito sa isang nakaupong Pangulo. Si Thaksin ng Thailand ay pinabagsak nu’ng 2006. Ehemplo ang dalawang bansa sa pagtugis ng kataas-taasang hukuman sa nagkakasalang malalaking politiko. At tinitingnan ito ni Arroyo na leksiyon, ani Vitug. Sa Peru nu’ng 2009 sinentensiyahan ng Korte Suprema si dating President Alberto Fujimori nang 25 taong pagkakulong dahil sa death squads nu’ng termino niya nu’ng dekada-90. Isang taon nilitis si Fujimori na naka-live television broadcast.
Sa Pilipinas nagbabanta ang mga grupo ng abogado at makabayan na ihahabla si Arroyo matapos ang termino sa Hunyo 30. Pananagutin siya sa $330-milyon ZTE scam, P728-milyon fertilizer scam, P2-bilyon swine scam at marami pang ibang pangungulimbat. Dagdag dito ang pagpatay, pag-torture o pagkawala ng mahigit 800 militante, mamamahayag at mahistrado.
Dahil dito, ani Vitug, nais ni Arroyo iluklok si loyalistang Renato Corona bilang Chief Justice. Ito’y maski bawal mag-appoint ang Presidente 60 araw bago mag-presidential election hanggang matapos ang termino.
- Latest
- Trending