Si Archbishop Cruz at Wilfredo Mayor
KARUMALDUMAL ang pagkakapatay sa jueteng whistle-blower na si Wilfredo Mayor at hinahangad ng marami na ito’y maresolba agad sa paraang patas, makatarungan at walang “fall-guys” na sasabit. Wika nga, parusahan ang dapat parusahan. Agad lumantad sa media si retired archbishop Oscar Cruz upang sabihin na bago mamatay si Wilfredo Mayor, mayroon itong ibinunyag sa kanya. Ang tingin ng Arsobispo kay Mayor ay “ repormadong jueteng lord” na ngayo’y kasangga niya sa krusada laban sa sugal.
Sabi daw ni Mayor kay Archbishop Cruz, may mga isisiwalat ito’ng anomalya sa public works project sa Bicolandia. Kasunod nito’y umupak ang arsobispo sa mga big-time na kontratista sa Bicol na aniya’y nakokopo ang mga proyekto sa rehiyon at napagkakaitan ang mga maliliit na kontratistang tulad ni Mayor. Natural, matutuon ang hinala sa mga big-time contractors. Pero bago tayo humusga, ikonsidera natin ang ilang bagay. Napag-alaman natin na ang kompanya ni Mayor na 3M Construction ay walang akreditasyon para makipag-deal sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Tatlong kompanya lamang ang may tinatawag na “triple a” licenses na akreditadong pumasok sa kontrata sa DPWH.
Kasama umano si yumaong Mayor sa grupo’ng nag-lobby para mabuo ang “Task Force Bichara,” isang engineering district na in charge sa mga big-time projects sa ikalawang distrito ng Albay. Inireport sa isang regional newspapers na inamin ni Mayor na nag-recruit ng isang DPWH engineer na nagngangalang Arnold Matamorosa para mamuno sa grupo. Kung nakipag-usap muna si Archbishop Cruz sa mga DPWH regional officials, nabatid sana niya na tahimik lang si Mayor hanggang sa makahidwaan si Matamorosa. Doon na nag-ingay si Mayor hinggil sa umano’y marangyang kabuhayan ni Matamorosa at ang lumolobong kayamanan nito.
Hindi sa humuhusga tayo pero nakunan sa CCTV ca-mera sa casino si Mayor na kausap ang isang gambling financier. May mga report na si Mayor ay nagpapatakbo ng small town lottery sa Bicol.
Bayaan na lang muna nating uminog ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Bagama’t natural magdalamhati si Archbishop Cruz, hindi makabubuting gumawa ng mga general statements na nagpapahiwatig ng paratang kaninuman, para mas mabilis na maresolba ang kaso.
- Latest
- Trending