EDITORYAL - Ingat sa pagtatapon ng upos na may sindi
ANG Marso ay Fire Prevention Month. Pero ngayong nananalasa ang bagsik ng El Niño na ayon sa PAGASA ay tatagal pa ng hanggang Hunyo, dapat buwan-buwan ang gawing pag-iingat sa sunog. Sa sobrang init ng panahon, meron lang magtapon ng upos sa basurahan o sa damuhan, maaari nang lumikha ng sunog.
Sa panahong ito ng sunog dapat maigting ang Bureau of Fire Protection sa pagpapaalala sa publiko na huwag basta magtatapon ng mga may sindi pang sigarilyo o upos. Karaniwan nang ang mga naninigarilyo ay basta na lamang ipinipitik ang ka nilang upos at wala nang pakialam kung ang napitikan ay tambak ng mga papel, karton at iba pang bagay na madaling magliyab. Mas makabubuti kung magkakaroon ng kampanya ang BFP na huwag magtatapon ng upos na may sindi. Ang mas nakatatakot ay kapag sa mga tuyong damo naipitik ang upos at iyon ang pagsisimulan ng sunog. Mapapansin na marami nang natutuyong damo sa kapaligiran ngayon na mahagisan lamang ng upos na may sindi o malaglagan ng kaunting baga ay sisiklab. Kakalat ang apoy at ito na ang simula ng wildfire.
Sa United States, Australia at Canada ay madalas mangyari ang wildfire. Kaya mahigpit ang pamaha- laan doon sa mga nagsusunog ng basura at nagtatapon ng mga upos at baka lumikha ng wildfire. Kapag nasimulan ang apoy, hindi na mapipigil at lalamunin ang mga pananim, gubat at maski ang mga kabahayan. Sinasabing siyam sa 10 wildfire sa US at Australia ay kagagawan ng tao. Maaari ring pagsimulan ng wildfire ang kidlat pero maliit lang ang porsiyento nito.
Malaki ang posibilidad na mangyari sa Pilipinas ang wildfire lalo pa nga’t walang disiplina ang mga tao. Tapon lang nang tapon ng mga basura na maaaring pagsimulan ng sunog. Kaya nararapat na maging maigting na ang pamahalaan sa pagsuweto sa mga walang disiplinang Pilipino.
Sa panahon din naming ito nararapat maghigpit ang city hall officials sa mga may-ari ng gusali at establisimento. Karaniwang sa faulty electrical wiring nagsisimula ang sunog. Inspeksiyunin ang mga linya ng kuryente at baka nginatngat na ng daga. Magsagawa ng pagbisita sa mga school, ospital, sinehan, disco houses at malls. Tiyakin kung may mga fire exit ang mga ito.
Huwag nang hintayin ang trahedya na kung kailan meron nang namatay saka ipatutupad ang paghihigpit. Matuto na sa mga nangyaring malalagim na sunog na pumatay nang maraming tao.
- Latest
- Trending