[Binigkas ng awtor sa Necrological
Service ng Knights of Columbus
Para kay SK Jose R. Baligod, Pebrero 28, 2010]
Luksa ang umagang sa ati’y bumati
Sapagka’t aalis ang taong may uri;
Si Brod Joe R. Baligod na dati’t kalimpi
Tinawag ng Diyos sa langit uuwi!
Itong si Brother Joe ay hindi pa patay
Siya’y nakahiga natutulog lamang;
Kanyang espiritu ay buhay na buhay –
Tayong lahat dito ay pinagmamasdan!
Unang pinagmasda’y ang kanyang asawa
Na sa tuwa’t lungkot ay laging kasama;
Habang niyayakap lumuluha siya –
Ang pagyakap niya’y pamamaalam na!
Nilalapitan din – mga anak apo
At mga kaanak na ngayo’y narito;
Kanyang sinasabing: “Sa aking paglayo
Sa pupuntahan ko tayo’y magtatagpo!”
“Ang KC, Homeowners at Coop na natatag
Ay maglingkod sana sa tao ng tapat;
Malinis ang kwenta, ang pundo ay sapat
Malakas ang tubig – maayos ang lahat!”
“Sa anak at apo – aking iniiwan
Maagang nagtampong lusog ng katawan;
Sa inyo’y alay din ang diwang mayamang
Sa ginhawa’t hirap ay naging marangal!”
“At sa inyong lahat na ngayo’y narito
At mga kaanak na nasa malayo –
Ang aking pamana ay tapat na puso
At saka ang diwang ang pag-asa’y kayo!”
“Umaasa akong sa akig pag-alis –
Ang mantsa ng dusa’y inyong maaalis;
Kung hindi n’yo kaya ako’y magbabalik –
Upang ang ginhawa’y makamit ng Village!”