AKO ay si Ako nga. Nagpakilala ang Diyos kay Moises sa bundok ng Horeb sa pamamagitan ng nagliliyab na punong kahoy nguni’t hindi nasusunog. Nagpapakilala rin sa atin ang mahabaging Ama na nagmamagandang-loob. Simula pa sa Lumang Tipan ay ipinahayag na sa atin na Siya ay pawang pag-unawa, pag-tulong at pagpapatawad. Ang nangyari kay Moises at sa mga tao sa ilang ay isinulat bilang babala sa atin na hindi rin tayo pababayaan ng Diyos. Sabi ni Pablo: “Mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya’y nakatayo, baka siya mabuwal.”
Maging si Hesus ang nagsabi sa atin: “Kapag hindi pinag sisihan at tinalikdan ang iyong mga kasalanan mapapaha- mak din kayong lahat.” Magsisi tayo at iwaksi ang mga kasalanan.
Ayon sa talinghaga napansin ng may-ari ng lupa na: “Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito; ngunit wala akong makita. Putulin mo na! Nakasikip lang yan, ngunit sumagot ang tagapag-alaga. Huwag po muna nating putulin sa taong ito, huhukayin ko ang palibot at lalagyan ng pataba. kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti ngunit kung hindi, putulin na natin.”
Lahat ng tao ay may kasalanan. Napag-wari at napagnilayan na tayo ay umiwas at lumayo sa kabutihan ng Diyos para sa atin? Alin sa mga utos ng Diyos ang ating sinuway? Sino ba tayo sa harap ng Diyos? Tayo ba ay mga taong makasalanan, nagsisi at nagbalik-loob sa Diyos? O tayo ba ay mga mabubuting tao, nagpakasama, nagkasala at tumalikod sa Diyos?
Huwag tayong mawalan ng pag-asa. “Huwag po muna nating putulin sa taong ito, huhukayin ko ang palibot (ng aking buhay) at lalagyan ng pataba (ng pagsisi at pagbabagong buhay sa kabutihan) mamumunga po ito”. Mapagpatawad ang Diyos sa ating lahat na humihingi ng tawad. Paano naman natin mapapatawad ang ating kapwa na hindi man lamang humihingi ng tawad at ipinagmamalaki pa ang kanyang kasamaan? Dasalin ang AMA NAMIN!
Ex 3:1-8, 13-15; Salmo 102; 1 Cor 10:1-6,10-12 at Lk 13:1-9.