Saan ang hustisya?
SA ngayon, suspendido na muna ang pagdinig ng kaso laban kay Andal Ampatuan Jr., dahil sa mga mosyon ng kanyang abogado na kailangang desisyunan at aksyunan ng hukuman. Lampas 100 araw na ang lumipas nang maganap ang Maguindanao massacre, pero hanggang ngayon, isang tao pa lang ang nakakasuhan. Kaya hinog na naman ang usapin na may nagaganap kaya bumabagal na nang husto ang paglilitis kay Ampatuan Jr. At habang nakatigil ito, nasa panganib na rin ang mga planong tumestigo ukol sa kaso!
Isa pang tila nakalimutang kuwento ay si Celso de los Angeles, ang pangunahing akusado sa Legacy scam. Huminto rin ang paglilitis sa kanya dahil nagpatingin sa doktor at nalamang may kanser. Pinayuhan na magpalakas na muna bago makakabalik sa hukuman at ituloy ang kanyang kaso kung saan daanglibong tao ang nawalan ng ipon. Ang tagal na nun. Ang tagal na rin niyang nasa St. Lukes! Katunayan nga, nilipat na siya sa isang condominium malapit sa ospital para magpahinga pa! Kaya nagagalit na ang mga umano’y niloko niya at huminto ang gulong ng hustisya. Lahat pabor sa mga akusado at hindi sa mga biktima! Ganyan talaga kapag ang akusado ay mayaman at maimpluwensiya!
Sa dami rin ng nababasa na nahuhuling lumalabag sa gun ban ng Comelec, may narinig na ba tayong nakasuhan at nahatulan? Mahigpit ang gun ban at matindi ang parusa. Pero may narinig na ba tayo? Higit 700 na ang nahuhuli dahil sa paglabag sa gun ban. Nasaan ang matinding parusa para sa mga iyan?
Nasisisi ang media na hindi na masyadong binibig-yan ng pansin ang tatlong kasong nabanggit, kaya nagkakaroon ng pagkakataon ang mga akusado na makalikas, maka-piyansa o kaya’y makapasyal kasi wala na sila sa mata ng publiko. Maaaring totoo, pero dahil lang sa marami pang mga isyu at istorya na dapat ding maiulat. Mabuti na rin at nabibigyan ng pansin ang mga nabanggit na isyu, para umandar muli ang gulong ng hustisya para sa mga biktima. Palagi na lang ang mga bikitma ang dehado pag dating sa hustisya.
- Latest
- Trending