EDITORYAL - Laging maging handa sa lindol
NOONG Enero 12, 2010, ay grabeng tinamaan ng lindol ang Haiti. Daang libo ang namatay. Bago natapos ang Pebrero, ang Chile naman ang nilindol at may 400 ang namatay. Posible bang tumama rin ang ganito kalakas na lindol sa Pilipinas? Malaki ang posibilidad. Kaya walang ibang dapat gawin kundi ang maging preparado. Huwag hayaang mapinsala dahil hindi nakapaghanda.
Malaki ang posibilidad na tumama ang lindol sa Pilipinas sapagkat kabilang ito sa mga lugar na nasa “Pacific Ring of Fire”. Kapag ang bansa ay nasa “Ring of Fire”, mararanasan ang volcanic eruptions at paglindol. Tinatayang nasa 90 percent ng mga lindol na naganap sa mundo ay nasa mga lugar na nasa “Ring of Fire”. Ang Chile at Haiti ay kabilang sa mga bansang nasa “Ring of Fire”. Kung mapapanatili pa ng gobyerno ng Pilipinas ang mga paghahanda, malayong mangyari na magkaroon nang malaking casualties at hindi matutulad sa Haiti na grabe ang pagkawasak at maraming namatay. Matindi ang nangyari sa Haiti sapagkat hindi handa ang pamahalaan doon. Ni hindi nagsasagawa ng earthquake drills kaya nang yanigin, nasorpresa ang marami at nalibing nang buhay. Sa Chile ay kakaunti lamang ang mga namatay sapagkat nakahanda pala ang gobyerno roon. Matagal na silang preparado kaya nang tumama ang 8.8 na lindol, hindi nag-panic ang mga tao. Alam na ang gagawin.
Marami nang malalakas na lindol ang tumama sa Pilipinas na kumitil din nang maraming buhay. Tinamaan ng lindol noong dekada 60 kung saan ay naguho ang Ruby Tower sa Maynila. Marami ang namatay. Noong June 1990, isang malakas na lindol ang naganap at nasentro sa Baguio City. Naguho ang isang five star hotel at maraming natabunan nang buhay.
Magandang malaman na nagsasagawa ng earthquake drills sa mga paaralan, tanggapan ng gobyerno at iba pang establisimento. Itinuturo sa mga bata o estudyante ang mga dapat gawin. Kapag lumindol, magtungo sa ilalim ng mesa at pumusisyon na ang dalawang kamay ay nakahawak sa ulo para maging panangga sa anumang babagsak. Umalis sa salaming dingding. Magtungo sa open ground.
Mababawasan ang casualties kung magkaka-roon ng paghahanda. Panatilihin sana ito.
- Latest
- Trending