NAMAMAYAGPAG sa ngayon ang mga komunista, lalo na sa mga area kung saan me guerilla zone sila, para maisulong at maluklok ang mga manok nila sa lokal at national positions sa darating na May elections. Itinuring kasi ng mga komunista na banner year nila ngayon dahil maraming kandidato na suportado nila ang ipipilit nilang maipanalo para makinabang sila kapag naupo ang mga ito. Ang ginagawa sa ngayon ng mga komunista ay binabaklas ang mga campaign materials ng mga kalaban sa pulitika ng manok nila. Kapag napuna n’yo mga suki na panay campaign materials lang ni Nacionalista Party presidential bet Manny Villar ang nakapaskil sa mga guerilla zone ng mga komunista, ‘yan ay dahil all-out support sila sa kandidatura nito.
Kaya’t wala kayong makitang campaign materials nina administration bet Gilberto “Gibo” Teodoro at LP standard bearer Noynoy Aquino sa mga guerilla zones ng CPP/NPA, di ba mga suki? Batid naman natin mga suki na itong sina Satur Ocampo at Liza Masa ay senatorial candidate ni Villar kaya lubos ang pagkilos ng komunista na isulong ang kandidatura niya. Ayon sa intelligence report ng PNP na nakalap ko, pati mga campaign managers at supporters nina Gibo at Noynoy ay hina-harass din ng mga komunista sa guerilla zone nila. Hehehe! Hindi parehas itong mga kapatid natin na naligaw ang landas, no mga suki?
Mapupuna ang kawalan ng campaign materials nina Gibo at Noynoy sa mga guerilla zones ng CPP/NPA sa Bicol, Cordillera Region, sa Caraga Region sa Mindanao, sa Southern Tagalog, Region 3 at sa mga liblib na lugar sa National Capital Region. Walang magawa ang military kundi pag-ibayuhin ang patrol operations nila sa mga nabanggit na lugar para sawatain ang mga komunista dahil sa hindi naman nila trabaho itong paghabol ng mga nagbabaklas ng mga campaign materials. Ang PNP naman ay patuloy ang monitoring dito. Sino pa ba ang makakapigil nitong ginagawa ng mga komunista? Siyempre, walang iba pa kundi ang mga kapwa natin Pilipino na boboto sa darating na May elections, di ba mga suki? Dapat magising na ang mga botante natin.
Sa local na pulitiko naman, panay din singil ng mga komunista ng permit to campaign at permit to win dahil sa kumakalap sila ng pondo para isulong ang adhikain nila. Kaya ang mga nagbayad sa komunista ang ipipilit nilang maipanalo nang sa gayon malaki ang pakinabang nila kapag nanalo ang mga ito. Ang mga kalaban naman ng mga manok nila ay hina-harass at hindi pinapakampanya sa mga guerilla zones. Kung ang gobyerno ni GMA ay pilit na ini-level ang playing field sa larangan ng pulitika natin, kabaliktaran naman itong ginagawa ng mga komunista, di ba mga suki?